Home Headlines PBBM pinamunuan ang disaster situational briefing sa LGUs

PBBM pinamunuan ang disaster situational briefing sa LGUs

340
0
SHARE
Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang ginawang disaster situational briefing ng Bulacan, Pampanga at Bataan sa Session Hall ng Kapitolyo ng Bulacan umaga nitong Sabado. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS —Nagsagawa ng disaster situational briefing si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kasama ang mga lokal na pamahalaan ng Bulacan, Pampanga at Bataan at Defense Secretary Gilbert Teodoro at Local Government Secretary Benhur Abalos kaugnay ng epekto ng nakaraang bagyong Carina at Habagat maging ang lumubog na motor tanker sa Limay, Bataan.

Inilatag dito ng mga lokal na pamahalaan ng tatlong lalawigan ang naging masamang epekto sa kanilang mga lugar dahil sa malalakas na pag-ulan at pagbaha.

Inulat ng Department of Social Worker and Development ang kanilang pamamahagi ng mga food packs sa mga apektadong residente ng tatlong lalawigan at may mga paparating pa batay sa request ng mga LGU.

Ayon sa pangulong, nais niyang matugunan ang epekto ng baha sa agrikuktura at siguruhin na matulungan ang mga magsasaka na makatanim.

Naging sentro din ng briefing ang pinangangambahang epekto ng lumubog na motor tanker sa Limay, Bataan sa posibleng oil spill.

Dito ay sinabi ni Bulacan Gov. Daniel Fernando na may ulat na silang natanggap na nakarating na ang langis sa baybaying dagat ng Malolos sa bahagi ng Barangay Pamarawan.

Dahil dito ay sinabi ni Marcos na magbuo na ng inter-agency task force para tugunan ang pagkalat ng langis sa karagatan.

Isa sa atas ng pangulo ay mangolekta na ng indigenous materials partikular ang mga LGUs gaya ng coconut husk na gagamitin na magko-control sa paglaganap ng tumagas na langis.

Sasanayin ang mga nasa TUPAD, AICS at iba pang cash-for-work program ng gobyerno para gumawa ng indidenous spill boom.

Ani Marcos Jr., ang indigenous spill boom ay magsisilbing coastal protection na haharang sa tumagas na langis at hindi na kumalat at makaapekto sa pangisdaan.

Paliwanag niya, kung makapaglagay ng spill boom ay hindi ito basta-basta itatapon dahil ito ay isa ng toxic waste at kailangan ng tamang disposal.

Ngunit negatibo naman sa ulat ng Malolos CDRRMO na may sighting na ng oil spill sa baybaying dagat ng Barangay Pamarawan dahil sa lumubog na motor tanker sa Bataan.

Ayon kay Malolos CDRRM officer Pia Pedro, wala pang nakakarating na oil spill sa sa baybay dagat ng lungsod batay sa kanilang pinakahuling monitoring kaninang umaga.

Dagdag niya na kasama ang CDRRMO ay regular ang pagkuha ng Philippine Coast Guard ng water sample sa baybayin ng Malolos para alamin kung may langis nang nakarating dito. Pero hanggang ngayon ay wala pa namang namomonitor na langis sa baybayin ng Malolos taliwas sa iniulat ng kapitolyo ng Bulacan kanina sa Malacañang briefing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here