SAN ANTONIO, Zambales — Panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa capability demonstration ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Navy upang tugunan ang anumang uri ng banta sa seguridad na maaaring kaharapin ng bansa sa kabila ng tensyon sa rehiyon.
Ito aniya ang pangunahing rason ng pagsusumikap ng pamahalaang nasyonal sa pagpapalakas ng kapasidad at kakayahan ng AFP.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng Mistral 3 na kauna-unahang surface-to-air missile system ng bansa at iba pang mga kagamitang pandigma na may pakinabang sa pagbabantay seguridad ng Pilipinas.
Sinabi rin ng pangulo na patuloy magsasagawa ng mga naval exercises kasabay ng mga ipinatutupad na proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng PN.
Ang Mistral 3 SAM ay mahalagang armas sa pagpapalakas ng depensa ng hukbo na kayang tumarget ng mga kalabang gumagamit ng drone, eroplano, at missile.
Ipinakita rin sa isinagawang demonstrasyon ang Bullfighter chaff decoy ng BRP Antonio Luna.
Ipinahayag naman ni PN Flag Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. na nananatiling matatag ang hukbo at patuloy na pinalalawak ang kakayahang rumesponde sa mga pangangailangang seguridad ng bansa.
Layunin ng isinagawang capability demonstration na maipakita ang nadagdag na kakayahan ng hanay sa air defense, electronic warfare at vessel survivability na mahalaga sa pagbabantay kaayusan sa mga nasasakupang karagatan ng Pilipinas.
Ang mga bagong kagamitan aniya ng hukbo ay hindi lamang sumasalamin sa kahandaang ipagtanggol ang maritime domain ng Pilipinas kundi pagpapakita rin ng mas lumawak na pwersa ng PN, na resulta ng mga natatanggap na suporta mula sa pamahalaang nasyonal gayundin ang dedikasyon ng bawat opisyales at personnel.
Kaugnay nito ay ipinaabot ni Adaci ang pasasalamat sa Pangulo sa patuloy na pagsuporta sa buong hanay at pagkilala sa mahalagang papel ng PN sa pagtatanggol at pag-unlad ng Pilipinas. PIA-3