LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Papakasuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng economic sabotage ang mga nasa likod ng proyektong kontra baha na naging isang ‘guni-guni’ sa Barangay Piel, Lungsod ng Baliwag, Bulacan.
Iyan ang ipinahayag ng Pangulo matapos niyang suyurin ang liblib na barangay na ito. Nakumpirma niya mismo na ang P55 milyong halaga ng proyektong dike na dapat sana’y magpoprotekta sa mga sakahan laban sa baha, ay pawang ‘guni-guni’ lamang gaya ng kanyang nabanggit sa nakaraang State of the Nation Address.

“Falsification na ito dahil nagreport sila na completed, kitang kita naman na hindi completed. So immediately that’s falsification. So that’s already a big violation. For the big one, talagang ang thinking is very hard. Kailangan natin silang i-economic sabotage,” ani Marcos.
Base sa dokumentong kinuha ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas sa Department of Public Works and Highways, deklaradong ‘tapos’ na ang proyekto ngunit hindi ito sinimulan o walang nagawa.
Tinukoy ni Marcos na walang kahit isang bakal at kahit isang sako ng semento ang ginamit sa proyektong hindi talaga nangyari, ngunit binayaran ng pamahaaan.
Pahayag pa ng Pangulo, “Wala. Puntahan ninyo, wala kayong makikita kahit na ano. Tuluy-tuloy ang pagbaha doon sa kabila. If all this projects are properly completed or implemented, ang laki nang nawala na problema sana sa atin at sa taong bayan at saka magiging maayos hanggang sa irrigation.”
Ang pondong P55.7 milyon ay mula sa Pambansang Badyet ng 2025 na para sana sa pagpapagawa ng dike o flood mitigation structure at reinforced concrete river wall sa Purok 4 ng Barangay Piel.
Bagama’t hinahanap sa kasalukuyan kung saan napunta ang pondo, tiniyak ni Marcos na ipapagawa nang matino ang nasabing proyekto upang masagip sa baha ang mga residente rito at ang sakahan ng mga magsasaka na nasa hangganan ng Baliwag at San Luis, Pampanga.
Nangyari ang agarang pag inspeksiyon ng Pangulo sa Baliwag, ilang araw matapos ang kanyang biglaang pagbisita rin sa Calumpit kung saan mayroon namang proyektong kontra baha na hindi tinapos ngunit deklarado ring tapos.
Patunay ang mga biglaang pagbisitang ito ni Marcos na seryoso ang kanyang administrasyon na habulin ang mga nagsamantala sa pondo ng bayan, at maihatid ang dekalidad na mga proyektong pang-imprastraktura. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)