PAYO NI EX-GOB MARTIN:
    Unahin ang mamamayan at tigilan ang pambobola

    479
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan—Asikasuhin, tulungan at iwasan ang pambobola sa mga tao.

    Ito ang mga praktikal na payo ni dating Gobernador Tomas Martin sa mga bagong halal na opisyal sa Bulacan partikular na kay halal na Gob. Wilhelmino “Willy” Sy-Alvarado na katulad ng dating gobernador ay nagmula rin sa bayang ito.

    Sa edad na 89, si Martin ang pinakamatandang nabubuhay na nanungkulang gobernador ng lalawigan. Siya ay nahalal noong 1959 ay nanungkulan hanggang 1963. 

    Una rito, siya ay nahalal na Bokal noong 1951 at 1955.  Noong 1957, siya ay nanumpang gobernador dahil sa itinalagang pinuno ng War Reparation Commission si dating Gob. Alejo Santos ng Bustos na kasabay na nahalal ni Martin noong 1951 at 1954. 

    Sa panayam kay Martin noong Sabado, Mayo 22, tuwiran niyang ipinayo sa mga bagong halal na opisyal ng lalawigan partikular na sa halal na Gob. Alvarado na dapat asikasuhin ang pangangailangan ng mga tao at tigilan na ang mga pambobola ng mga pulitiko.

    Ayon kay Martin, “hindi naman maikakaila na pahirap ang (buhay ng mga) tao, pagkatapos na mapakinggan ang mga panga-pangako (ng mga pulitiko sa kampanya).”

    Iginiit niya na matapos mahalal ang mga opisyal ay hindi na ito makita ng mga tao at parang naglalaro ng “hide and seek” o taguan.

    Para kay Martin, hindi mahalaga ang kasikatan ng isang pulitiko at inihalimbawa pa ang yumaong dating gobernador at kongresista ng lalawigan na si Jose Padilla Sr. na nanungkulang gobernador noong 1928-1931 at 1934 hanggang 1937, at bilang kongresista ng unang distrito noong 1931 hanggang 1934.

    Sinabi niya na sa kabila ng kasikatan ni Padilla ay ni isang tulay sa lalawigan ay walang naipangalan sa dating gobernador at kongresista.

    Ngunit hindi importante ang kasikatan ng isang opisyal sa panunungkulan, ani Martin na isa sa itinuturing na pinakamagaling na orador o mananalumpati ng kanyang henerasyon at kasalukuyang panahon.

    “Hindi iyon,” pagbibigay diin ni Martin na siyang unang gobernador na nagmula sa bayang ito at ipinaliwanag na “yung pakikitungo sa tao ang importante, PR.”

    Idiniin pa niya na “yung help, you help specially the poor.”

    Ipinayo pa niya na dapat palakasin ang programa ng pamahalaang lokal sa kalusugan, partikular na ang pagpapaunlad ng serbisyo ng mga ospital.

    Ayon sa dating gobernador, may mga pulitiko na karaniwan ay nagbibigay lamang ng referral sa mga ospital na matatagpuan sa kalakhang Maynila katulad ng Philippine General Hospital.

    Para kay Martin, hindi sapat ang sistemang ito ng pagbibigay ng tulong sa mahihirap, sa halip ay kailangan ng taong bayan ang personal na tulong mula sa mga halal na opisyal.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here