Di ko sinasabing bugok ang kung sino
Na nakaisip ng suhestyong ganito,
Pero di ba’t isang kabugukan ito
Para ipairal ng ating gobyerno?
Kung saan ang mga bilanggong mapera
Ay puedeng bilhin ang kalayaan nila,
Na makagamit ng kunwari ay selda
Pero may aircon at halos nariyan na
Ang lahat ng bagay na kumpletong sangkap
Ng magarang bahay ng nakaluluwag
At malayang nakatatawag sa labas,
Sa lahat ng saglit – beinte kuatro oras!
Di kung ganun pala, ano pa ang saysay
Ng mabilanggo man kahit habambuhay
Ang mayamang nagkasala sa lipunan
Kung di rin lang magdurusa sa kulungan?
Kasi nga, maluwag ding nakakakilos
Kahit naturingang sila’y nasa loob,
At kung saan pati ang paglabas-masok
Ay walang problema basta’t may panggastos
O pambayad sa ‘pay to stay’ na anila,
(Na mas mainam ba’t walang anomalya
Kaysa tulad nitong kung kaninong bulsa
Ng nasa Bilibid lamang napupunta?)
Ang isinusuhol nitong mayayamang
Bilanggo sa ating Pambansang Kulungan?
Kung kaya may tsansang mas makikinabang
Ang pamahalaan sa panukalang yan?
Na isinusulong ng kung sinong Solon
Para kumita raw ang Bureau of Prison?
Yan sa ganang aming sariling opinyon
Walang ibubunga kundi ng ‘corruption’
At mas malala pa ang posible nitong
Idulot sa ating gobyerno sa ngayon,
Pagkat makulong man ng kung ilang taon
Ang mapera, bale wala rin kung ganun.
Kasi nga, kung ano ang nagagawa niyan
Sa labas at loob ng sariling bahay
Ay malaya pa rin nilang nakakamtan
Kahit naturingang nasa bilangguan.
Sapagkat ng dahil sa kanilang pera
Ay para rin namang nasa labas sila
Bunsod nitong anumang naisin nila
Ay nagagawa n’yan ng walang abala.
At pihong higit pa sa kasalukuyan
Ay lalong darami sa mga piitan
Ang mga bilanggo na labas-masok lang
Kapag umiral ang ganyang kalakaran.
Partikular na ang naghaharing uri
Na ang dinidiyos ay krus ng salapi,
Maimpluwensya at mga walang budhi,
Kaya ang pagpatay ay napakadali.
Kung saan tiyakan din namang lalala
Ang lagayan kapag yan ang nagkabisa,
Sa klase ng ilang opisyal sa bansa
Na di lang matakaw kundi masisiba.
At masahol pa sa buwaya ang ilan
Sa paglaklak n’yan ng di pinagpawisan,
Kung kaya imbes ang ating kabang-bayan
Ang kumita – pihong ibubulsa lamang.