Home Headlines Pawikan nasagip sa Bataan

Pawikan nasagip sa Bataan

1136
0
SHARE

PILAR, Bataan — Isang malaking pawikan na nakita Miyerkules ng umaga sa loob ng isang baklad sa bahagi ng Manila Bay sa bayang ito ang sinagip at pinakawalan sa isang palaisdaan habang inaalam kung saan ito ibibigay.

Inabutan ng mangingisdang si Willy dela Cruz ng Barangay Wawa ang pawikan habang siya’y namamandaw sa kanyang baklad. Dahil natuyo umano ang tubig sa baklad, minarapat niyang iuwi na lamang ito at pakawalan sa palaisdaan sa tabi ng kanyang bahay.

“Wala namang sugat kaso malata na siya, ikot ng ikot sa baklad,” sabi ng mangingisda.

Hindi naman bago ang pagmamalasakit ni dela Cruz sa mga pawikan dahil noong isang taon daw ay nakakuha rin siya ng pawikan at pinakawalan niya ito sa dagat.

“Sana sa mga katulad ko na namamaklad na kapag nakahuli ng pawikan, isurrender nila sa gobyerno,” sambit nito. Naghihintay umano siya ng ahensiyang kukuha sa pawikan.

Sinukat ng mga kasapi ng Bantay Dagat ang pawikan at napag-alamang may haba itong 25 inches at lapad na 23 inches.

Wala raw itong tag na nangangahulugan na hindi pa ito nahuhuli. Maaaring babae umano ito at naghahanap ng mapapangitlugan.

Sinabi sa Provincial Environment and Natural Resources Office sa Pilar na ang pawikan ay mula sa Olive Ridley species na karaniwang nakikita sa Bataan lalo na sa Morong kung saan gaganapin ang Pawikan Festival sa December 1.

Matatagpuan ang Pawikan Conservation Center sa Morong.

Tuwang-tuwa si Pilar Mayor Carlos Pizarro Jr. nang mabalitaan ang pagkakasagip sa pawikan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here