Patuloy ang pagkatuyo ng Angat Dam

    672
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Patuloy pa rin ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng manaka-nakang pag-ulan sa Bulacan at maging sa kabundukang nasasakop ng 63,000 ektaryang Angat water shed.

    Gayunpaman, umaasa ang mga opisyal na mapupunan ang natutuyong tubig sa dam dahil sa nalalapit na pagpasok ng tag-ulan.

    Batay sa tala ng Provincial Disaster Management Office (PDMO) ng Bulacan, bumaba sa 169.64 meters ang water elevation sa dam kahapon, Mayo 27.

    Ito ay halos 10 metro na lamang ang taas sa pinakamababang water elevation sa dam na 158 metro na naitala noong Agosto 1998, matapos ang mahigit isang taong pananalanta ng El Niño na nagsimula noong unang bahagi ng 1997.

    “Water elevation at Angat Dam is hardly impacted by rains last week, but we are glad we are already experiencing some rain showers here,” ani Inhinyero Rodolfo German, ang manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) na nakabase sa National Power Corporation (Napocor) compound sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan.

    Ang Napocor ang namamahala sa dam sa pamamagitan ng Arhepp na kailan lamang ay nabenta sa isang kumpanyang Koreano.

    Ayon kay German, umaasa sila na madagdagan ang tubig sa dam sa mga susunod na linggo dahil sa nalalapit na ang tag-ulan.

    Ang Angat Dam ang pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila; at patubig sa mga bukirin sa Bulacan at timog Pampanga.

    Ayon kay German, umaabot na lamang sa 37  cubic meter per second ang kasalukuyang alokasyon para sa kalakhang Maynila na pinadadaloy ng dalawang konsesyunaryo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS); samatalang mula pa noong Abril 12 ay wala ng alokasyon sa mga magsasaka.

    Kaugnay nito, ipinaalala ni German sa mga taga-Maynila na magtipid sa tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa dam.

    Sinabi niya na kung matatagalan pa ang tag-araw, may posibilidad na tuluyang kapusin ang tubig sa kalakhang Maynila.

    “Right now we are still praying for rains, we need a divine intervention to have enough water again,” ani German.

    Sinabi pa niya na maging ang kakayahang lumikha ng kuryente ng Arhepp ay apektado na rin dahil sa mababang water elevation sa dam.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here