Pasan ng lalakeng Aeta ang kanyang anak habang namamasko sa lansangan. Kuha ni Rommel Ramos
STA. ANA, Pampanga — Nakagawian na ng nga katutubong Aeata ang mamalimos sa lansangan kapag sasapit ang kapaskuhan.
Sa kabila ng peligro na dulot ng Covid-19 ay isang grupo ng mga Aeta na mula sa bayan ng Porac ang namataang namamalimos pa rin sa kakalsadahan sa bahagi ng Barangay San Joaquin sa bayan ng Sta. Ana.
Ayon sa Aetang si Jepoy Torana, kasama ang kanilang buong pamilya maging ang maliliit na mga anak ay nakagawian na nilang bumaba ng kapatagan para mamasko taon-taon.
Hindi nila alintana ang banta ng Covid-19 makapalimos lamang.
Hindi naman daw sila namimilit at kapag may magbigay na kusang loob ay tatanggapin nila. Sa katunayan ay may natanggap na silang pagkain at mga damit mula pa noong nakaraang Biyernes naang magtungo sila sa lugar.
Ayon pa sa mga Aeta nagsusuot, naman sila ng facemask pero hindi rin sila natatakot sa virus dahil malakas daw ang kanilang pangangatawan.
Panawagan nila, sana ay maunawaan sila ng mamamayan at gobyerno ngayong panahon ng kapaskuhan.
Mababatid na ipinagbabawal sa batas ang pamamalimos sa lansangan at mahigpit din na ipinapatupad ngayon ang social distancing dahil sa peligro naman ng Covid-19.