LUNGSOD NG MALOLOS – Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na popondohan nila ang pagpapagawa ng mga pasilidad at pagbili ng gamot ng panlalawigang pagamutan sa taong ito.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ika-17 taong pagkakatatag ng PhilHealth, and pinakamalaking social security agency sa bansa.
Ayon kay Arsenia Torres, department manager for Central Luzon branch A, ang planong pagpopondo sa mga panlalawigang pagamutan ay bahagi ng pagtiyak nila ng mataas na antas ng serbisyo para sa kanilang mga kasapi.
Para sa pagpapatupad, ipinaliwanag ni Torres na iko-compute nila ang binayarang benepisyo sa mga panlalawigang pagamutan sa nagdaang limang taon, pagkatapos ay dodoblehin nila iyon.
“Kung P10 milyon ang computed benefits payment sa provincial hospital we will multiply it by two, pagkatapos yung kalahati ay ibigay namin in advance,” ani Torres.
Ito ay nangangahulugan na bibigyan agad ng PhilHealth ng P10 milyon ang provincial hospital, ngunit kahalati muna nito ang kanilang ibibigay at ang kalahati sa ikalawang anim na buwan ng taon.
“Parang advance payment ng PhilHealth yan sa mga provincial hospitals,” ani Torres.
Ipinaliwanag niya na masisingil din nila ang paunang bayad na ito sa pamamagitan ng pagbabawas sa sisingilin sa kanila ng mga pagamutan.
Binigyang diin din niya na ito ay bahagi ng reporma sa administrasyon ng PhilHealth sa pag-amin na “dati ang tagal naming magbayad, may mga suppliers ding binabayaran ang mga hospitals, pero with the program, it will be reversed.
Sinabi din niya na sa pamamagitan ng pagbibigay ng paunang pondo o bayad sa mga provincial hospitals, inaasahang higit na mapapataas ang antas ng serbisyo ng mga ito sa mga pasyente, partikular na sa mga kasapi ng PhilHealth.
“Hindi na sila maghihintay ng matagal para makolekta ang bayad ng PhilHealth sa mga serbisyong ibinigay nila sa aming mga kasapi. Maaari na silang magpagawa ng dagdag na pasilidad, o bumili ng bagong equipment, o dagdag na inventory ng gamot,” ani Torres.