Pasaherong nalapnos ang likod sa Super Ferry humihingi ng tulong

    403
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – Nanawagan para matulungan sa pagpapagamot ang isang naging pasahero ng Aboitiz Transport System (ATS) Super Ferry na nalapnos ang likod pababa sa binti.

    Sa kasalukuyan, si Josephine Gesmoparan, 32, may tatlong anak, nakatira sa Barangay Mojon ng lungsod na ito, hindi makahiga at makakilos dahil sa sugat na tinamo sa trahedyang sinapit noong nakasakay siya sa Super Ferry.

    Batay sa pahayag ni Gesmoparan, sumakay sila sa Super Ferry mula Dumagete City pauwi ng Bulacan noong Mayo 7.

    Ngunit bago pumasok ang SuperFerry sa Manila Bay ay nakasagupa nito ng malaking alon sanhi ng bagyong Emong na noo’y nananalasa sa Northern Luzon.

    Dahil sa lakas ng alon, tumagilid ang barko at nabuhusan ng kumukulong tubig mula sa water heater sa canteen ng barko si Gesmoparan na noo’y magkakape sana.

    Ayon kay Jigger Zamora, ang live-in partner ni Gesmoparan, “nasa may Corregidor na kami at halos dalawang oras na lang bago dumaong sa Maynila ng tumagilid ang barko dahil sa malaking alon.”

    Sinabi niya na nang hawakan niya si Gemosparan sa tagiliran ay dumikit sa damit nito ang balat sa katawan dahil sa pagkalapnos.

    Agad namang ginamot ito ng doktor ng Superferry at pagdaong sa Maynila ay agad na isinugod sa Philippine General Hospital kung saan ay nanatili ang biktima hanggang noong nakaraang linggo.

    “Sabi ng doctor, dapat daw iuwi na siya para hindi mahawa sa PGH dahil napakaraming pasyente doon,” ani Leonora Gesmoparan, ang ina ng biktima.

    Bilang isang outpatient, sinabi ni Leonora, nahihirapan ang kanyang anak sa pagbibiyahe pabalik ng ospital para sa medical check up.

    “Pagsakay pa lang namin sa sasakyan, nahihirapan na siya dahil hindi makakilos,” ani Leonora.

    Hiniling niya na “sana ibalik nila at ma-iconfine uli sa ospital ang anak ko hangggang gumaling.”


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here