Parol na gawa sa capiz, nawawala na

    756
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Nagsisimula nang mawala ang mga parol na yari sa capiz, ayon sa mga manggagawa ng parol sa lungsod na ito.

    Ito ay dahil umano sa nauubos na ang mga capiz at pahirapan na ang supply nito.

    Ayon kay Ching Pangilinan, senior tourism officer ng lungsod, inaangkat pa nila ngayon ang mga capiz mula sa bansang Indonesia at Malaysia samantalang ipinagbawal na ang pagbebenta nito mula sa lalawigan ng Bataan na dati nilang pinagkukuhanan.

    Aniya, dahil sa pinangangalagaan na ang capiz sa Bataan kayat ipinatigil na ng lokal na pamahalaan doon ang pagbebenta nito.

    Ayon kay Pangilinan, yari na sa mga handmade papers ang kanilang mga gawang parol ngayon na bukod sa mas mura ay environment friendly pa.

    Ang mga parol na gawa sa San Fernando ay dinadala sa ibang bansa tulad sa Dubai, Viena at San Francisco.

    Bukod dito, ang mga bansang Brazil, France, maging sa Amerika at Europa ay humihiling na magkaroon ng showcase ang mga parol na gawang San Fernandino.

    Ani Pangilinan, ngayong taon umaabot na sa P20 milyon ang kita ng industriya ng parol sa kanilang lungsod sa mga display order pa lamang tulad ng inilalagay sa mga kalsada at harapan ng mga establisyemento.

    Ipinagmalaki pa ni Pangilinan na bagamat may global economic recession ngayon ay hindi naapektuhan ang industriya ng parol.

    Pinatunayan din ito ni Arnel Flores, manggagawa ng parol sa Barangay Sta. Lucia, at itinuring na kampiyon sa Giant Lantern Festival ng mga nakaraang taon.

    Aniya, patunay lamang ito na kahit anong hirap ng buhay ay hindi ito alintana ng mga Filipino at bumibili pa rin ng parol bilang pampasigla ngayong kapaskuhan.

    Ngayong 2008 ang ika-100 selebrasyon ng kultura ng paggawa ng parol sa tinaguriang Christmas Capital of the Philippines.

    Nagsimulang magbenta ang mga Fernandino ng parol taong 1960’s, taong 1980’s naman nagsimula ang eksportasyon.

    Aniya, kahit noong panahon ng sumabog ang Bulkang Pinatubo ay patuloy pa rin ang pagbebenta at pag-gawa nila ng parol.

    Samantala, abala na ang mga barangay San Juan, Dolores, San Jose, San Pedro, Sto. Nino, Del Pilar, Sta. Lucia, San Nicolas at Telebastagan para sa gagawing Giant Lantern Festival sa ika-20 ng Disyembre.

    Ayon pa kay Pangilinan, ang giant lantern festival ay isa ding paraan ng pagpapakilala at pagmamalaki sa buong mundo ng kanilang produkto.

    Si Francisco Estanislao ng Barangay Santa Lucia ang nagpasimula ng paggawa ng parol sa San Fernando noong 1908 at ngayon ay nasa ika-limang henerasyon na ng mga Estanislao sa pagkakatatag ng paggawa ng parol na kumalat na sa buong San Fernando.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here