Paris: Ang paraiso sa lupaing ninuno ng katutubong Aeta

    576
    0
    SHARE
    PORAC, Pampanga – Matinis na sigawan ng mga kabataang Aeta habang matiyagang umaakyat sa palosebo ang isa sa kanila upang makuha ang premyo sa tuktok nito.

    Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng piyesta ng patrong Sto. Niño sa bulubunduking barangay ng Sto Niño sa hilagang bahagi ng bayang ito noong Sabado, Enero 22.

    Sa di kalayuan, nakangiting nakamasid si Pastor Benny Capuno na nagpakilala sa mga kapwa lider ng katutubong Aeta na sina Sonny Serrano at Billy Capuno sa mga mamamahayag na dumalaw sa nasabing barangay nang araw na iyon.

    Lima ang anak ni Pastor Benny na nagsilbing gabay ng mga mamamahayag na dumalo sa tatlong araw na Probe Media Foundation Fellowship; samantalang si Serrano ay walo at si Billy ay lima.

    Para sa kanila, ang larong palosebo ay isang simbolo ng kanilang pangarap para sa kanilang mga anak. Mataas iyon, madulas at hindi madaling maabot.

    Ito ay dahil na rin sa ang kanilang mga pangarap ay nakaugnay sa kanilang lupaing ninuno ng itinuturing nilang “Paris” na hanggang ngayon ay pinapangarap pa rin nilang mapasakanilang tribo at maging bahagi ng kinabukasan ng kanilang mga anak.

    Ngunit may mga tumatayong hadlang sa kanilang pangarap. Kabilang dito ay ang panukalang pagtatayo ng minahan at proyektong pangturismo sa bahagi ng nasasakop ng kanilang lupaing ninuno.

    Ayon sa tatlo, bago pa dumating ang mga Kastila ay naninirahan na ang kanilang mga ninuno sa Barangay Camias at sa iba pang bahagi ng bayang ito.

    Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting lumiit ang mga lupaing kanilang nasasakupan dahil sa patuloy na pag-angkin ng mga taong hindi kabilang sa kanilang lipi.

    Sa pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991, pansamantala nilang nilisan ang kanilang pamayanan ngnit noong 1993 ay muli silang nagbalik doon at muling itinindig ang pamayanang nabaon sa abong iniluwa ng bulkan.

    Kasabay ng kanilang muling pagbabalik ang agresibong panghihimasok ng mga hindi katutubo sa pamamagitan ng mapanglinlang na pamamamaraan.

    “Dinaan nila kami sa pagbibigay ng mga kape, sigarilyo at iba pang bagay, may nagbigay pa ng punong mangga na ipinatanim sa amin, pero iyon pala ay sinusukat na nila ang lupa namin, para unti-unting makamkam,” ani Benny.

    Ang mga hakbang na katulad nito ay isang banta sa katatagan ng pamayanan ng mga katutubo na nakabatay sa pananatili ng pag-aari nila sa lupaing ninunong kinagisnan.

    Dahil dito, napilitan silang magsumite ng aplikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) na sumasakop sa may mahigit sa 800 ektaryang lupain sa bulubunduking bahagi ng Barangay Camias, may tatlong taon na ang nakakaraan.

    Halos kasabay nilang nagsumite ng aplikasyon para sa CADT ang mga katutubong nakatira sa katabing bayan ng Capas, Tarlac; at bayan ng Floridablanca.

    Ngunit ang nakalulungkot, naipagkaloob na ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong nakaraang taon ang CADT para sa Capas; at ng sa Floridablanca na matatagpuan sa silangang bahagi kanlurang bahagi ng Camias, ayon sa pagkakasunod.

    Tanging ang CADT para sa Barangay Camias ang naiwan na na hanggang ngayon ay inihahanap ng dahilan ng mga katutubo.

    Samantalang hindi naipakaloob ang CADT para sa Barangay Camias, tuloy naman ang bantang hatid ng napipintong pagtatayo ng minahan at proyektong pangturismo sa nasabing barangay.

    Para sa mga katutubo, ang dalawang proyektong pangkaunlaran ay magsisilbing delubyo sa kanilang pamayanan dahil ito ang aagaw sa kanilang lupain ninuno at tuluyang sisira sa kanilang kalinangang, at buong  pamayanang nanatiling matatag sa kabilang ng mahigit 300 taong pananakop ng mga Kastila at mapaminsalang pagsabog ng bulkang Pinatubo.

    Para kina Pastor Benny, Serrano at Billy, ang bahagi ng lupaing ninuno na balak pagtayuan ng Dizon Copper Mines at ng proyektong pangturismo ng pamahalaang bayan ay isang sagradong lugar sa kanila.

    Doon ay matatagpuan ang mga yungib na kanilang pinagpapahingahan, mga halamang gamot, at iba pang bagay na kanilang ikinabubuhay.

    “Pag natuloy ang minahan, magigiba ang bundok na sagrado sa amin dahil doon namin malayang nailulunsad ang aming kultura,” ani Serrano.

    Iginiit naman ni Billy na ang nasabing lugar ay nagsisilbing “Paris” ng mga katutubo kung saan marami sa kanila ang nagpapahinga at nagpapalipas ng oras kapag may problema.

    “Doon kami nagre-relax, pagdating doon nawawala ang sakit ng aming puso at isipan. Parang Paris sa amin iyon dahil doon kami nakakakain ng sariwang isda at ibon at walang nakikialam sa amin,” ani Billy.

    Ang sagradong lugar na itinuturing na “Paris” ng mga katutubong Aeta ay iningatan ng kanilang mga ninuno sa mahabang panahon, at nais din nilang ingatan iyon para sa susunod na salinlahi ng kanilang lipi.

    Ipinaliwanag nila ang mga pamamaraang ginamit ng mga katutubo sa pag-iingat sa kanilang sagradong lugar.

    Ayon kay Benny, sagana ang isda at ibon na nahuhuli ng mga katutubo sa kanilang “Paris” dahil sa hindi sila nanghuhuli o nangangaso ng higit sa kanilang pangangailangan.

    Nilinaw niya na kung buwan ng Mayo ay hindi nila ginagalaw ang mga isda at iba pang hayop sa kanilang “Paris” na lumalabas na isang paraiso para sa kanila.

    “Kung Agosto lang kami nanghuhuli dahil sa panahong iyon, nakapangitlog at nakapanganak na ang mga isda at hayop kaya pwede na naming silang hulihin,” ani Benny.

    Ayon sa tatlo, mananatili lamang ang nasabing paraiso ng mga katutubo kuhng mananatili sa kanilang pag-aari at pag-iingat ang lupain ninuno.

    “Totoo, pinag-aaral din namin ang aming mga anak, ngunit ano ang halaga ng kanilang kabihasaan at kakayahan kung wala na ang bundok at lupain ninuno,” ani Benny.

     Sinabi niya na pinag-aaral niya ang kanyang mga anak mula sa katas ng lupain ninuno dahil gusto niyang ibalik ang karunungan at kabihasaan natutunan nito sa lupaing ninuno upang iyon ay higit na pagyamanin at mapaunlad, nang sa gayon hindi manatiling alipin

    Inayunan din ni Pastor Benny ang pananaw na ito ay sinabing, itinuturo din niya sa kanyuang mga anak ang pangangalaga sa kalikasan sapagkat ang kanilang buhay, kinabukasan, kalinangan at pamayanan ay nakasalalay doon.

    Bilang patunay, ang panganay na anak ni Pastor Benny ay pinangalanan niyang “Lawi” na ang kahulugan ay yantok na matatagpuan sa gubat upang ipapalala sa kanyang anak na minsan ay may gubat na nagbigay buhay sa kanilang lipi.

    Sa kabuuan, maihahalintulad sa larong palosebo ang pangarap nina Pastor Benny, Serrano at Billy para sa kanilang mga supling.

    Ngunit katulad ng palosebo, ang mga pangarap na iyon ay hindi madaling abutin.  Madulas at mataas ang kawayan at kailangang manatiling matatag ang pagkakatulos nito sa lupa upang hindi mabuwal habang inaakyat. 

    Gayunpaman, sila ay naniniwala na madulas man at matayog ang palosebo, ang tuktok nito ay mararating at makukuha ang premyo sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagtutulungan at matibay na determinasyon katulad ng kanilang paghahangad na tuluyang maangkin ang kanilang lupain ninuno na kung saan itinanim ang kanilang pamayanan at kalinangan sa loob ng mahabang panahon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here