LUNGSOD NG BALANGA — Ginunita ang ika-266 na taon ng pagkakatatag bilang isang lalawigan ng Bataan o tinatawag na Bataan Foundation Day sa pamamagitan ng iba-ibang aktibidad sa lungsod na ito nitong Miyerkules.
Pinangunahan nina Gov. Jose Enrique Garcia III at Vice Gov. Cris Garcia ang mahabang “Parada para sa Kasaysayan” na nagsimula alas-7 ng umaga mula sa 4-lane road hanggang sa Bataan People’s Center sa Capitol compound.
Nakibahagi sa mahabang parada ang mga mayors, mga kawani ng Freeport Area of Bataan sa pangunguna ni administrator Emmanuel Pineda.
Lumahok din sa parada ang mga kawani ng national at lokal na pamahalaan at civil society organizations. Kabilang din sa parada ang mga kinatawan sa “Hataw para sa Kasaysayan” o Zumba competition ng iba’t ibang bayan sa lalawigan sa kanilang makukulay na kasuotan.
Matapos ang parada, ginanap ang Hataw para sa Kasaysayan sa Bataan People’s Center at ang Laro ng Lahi sa Capitol ground.
Noong ika-9 ng Enero, nagsagawa ng blood-letting activity at binuksan ang Galing Bataeño Trade Fair bilang panimula ng selebrasyon.
Ang bandang Mayonnaise at ibang mga banda ay nagtanghal naman Miyerkules ng gabi sa Bataan People’s Center kung saan free ang admission bilang pagwawakas ng selebrasyon sa paggunita ng Bataan Foundation Day.
Idineklarang hiwalay na lalawigan ang Bataan sa Pampanga noong Enero 11, 1757. Special non-working holiday ang araw na ito sa 11 bayan at isang lungsod ng lalawigan.