Home Opinion Para sa sarili lamang?

Para sa sarili lamang?

127
0
SHARE

“MONOLOGUE” ang tawag sa Ingles sa ginagawa ng karakter na mayaman sa kuwentong talinghaga ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. Dahil daw sa sobrang yaman, namumroblema siya. Tinatanong ang sarili kung ano ang dapat niyang gawin; wala na daw kasi siyang mapaglagyan ng bagong ani dahil punong-puno pa ang kamalig niya.
Sarili niya ang kausap niya; sarili din niya ang sasagot sa tanong niya. At ang sagot? “Alam ko na. Gigibain ko ang mga dating kamalig ko at magtatayo ako ng mas malaking mapaglalagyan, at sasabihin ko sa sarili: (tuloy ang monologue) ‘Ang yaman ko na. Wala na akong kailangang gawin kundi ang matulog, kumain, uminom, at magliwaliw.’”
Nagmo-monologue siya.
Minsan may nagtanong sa akin: “Hindi ba monologue din ang ginagawa ng tao kapag nagdarasal siya?” Sabi ko, “Oo, kung para sa iyo wala ka namang kausap kundi sarili mo. Ibig sabihin kung para sa iyo imahinasyon mo lang ang Diyos. Pero sa totoong panalangin, ang nagaganap ay hindi monologue kundi dialogue, dahil mayroon kang kausap na lampas o higit pa sa sarili mo.”
Sa karanasan ko, sa panalangin lalong nabubuksan ang diwa ko sa kapwa at sa daigdig. Katulad ng matinding dating sa akin ng pagkamatay ng isang kabataang sakristan ng diocese natin na nagse-serve sa Longos Mission Station. 20 years lang siya, 3rd year College at panganay sa anim na magkakapatid. Nagkasakit siya at namatay noong nakaraang Linggo dahil sa paghahanap sa nawawala niyang tatay mula July 22-25. Kasagsagan noon ng ulan at pagbaha na dulot ng habagat at palpak na flood control gate ng Malabon at Navotas na ginastusan na ng 5 Bilyong piso. Tatlong araw na lumulusong ang binata kasama ang nanay niya kahit hanggang tiyan ang baha, nagsadya sa bawat barangay hall at bawat police station sa Malabon, Navotas at Caloocan para ipa-blotter na pinaghahanap ang nawawalang ama. Ipinost din sa FB bilang “missing person”.
July 25 nang matagpuan ang ama sa presinto. Inarestong walang warrant dahil naaktuhan daw na tumataya sa kara y krus. Ilang milyon katao ang nagsusugal ngayon online. May naaaresto ba sa kanila? Ikinulong pala ang nawawalang AMA sa presinto, ni hindi ipinaalam sa pamilyang naghahanap. Sinampahan siya ng kaso, at 30 libong piso daw ang piyansa. Wala silang pera, nagpabalik-balik na dumalaw kahit baha. Hanggang sa nagkasakit ang binatang sakristan na nasa 3rd year college, panganay ng anim na magkakapatid. Namatay siya noong Linggo ng gabi. Leptospirosis pala ang ikinalalagnat.
Matapos kong mabalitaan ito, nagdasal ako sa chapel. Sa panalangin ko, para bang nakikita ko ang isang burning bush, isang punong nagliliyab, na parang ramdam ko ang galit at pagpupuyos ng Diyos sa sinapit ng pamilyang ito na debotong naglilingkod sa simbahan. Ganyan ang panalangin; inilalabas tayo sa sarili.
Ganyan ang pananalangin sa karanasan ko. Hindi siya monologue. Sa panalangin mas lalong inaantig ng Diyos ang mga puso at diwa natin para sa kapwa, sa lipunan, at sa daigdig dahil ibig niyang mabuhay tayo na may pananagutan, may layuning pinag-aalayan, dahil ito ang susi ng makabuluhang buhay.
Sa simbahan, madalas nating awitin na “walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” Hindi naman laging totoo iyon. Meron. May mga taong nabubuhay para sa sarili lamang, na parang lahat ng usap ay monologue, umiikot ang mundo sa sarili. Pero anong klaseng buhay iyon? Walang kabuluhan, sabi nga ng ating unang pagbasa kay Qohelet. Totoo naman na lahat ng bagay sa mundo ay lilipas, kaya tinuturuan lang tayo ng isang mahalagang aral ng manunulat—na huwag kumapit sa kahit na ano sa mundo na parang iyon na ang lahat para sa atin. Bakit? Kapag nawala ito sa iyo, parang nawala ka na rin.
Kaya siguro sinabi ni San Pablo na dapat hangarin natin ang mga nakahihigit na kaloob ng Diyos: faith, hope and love—pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Pero ang pinakadakila aniya ay PAG-IBIG. Ito lang daw ang mananatili at walang hanggan. Sa pag-ibig lang matatagpuan ang Diyos na walang hanggan. Ang natututong umibig, magmahal, magmalasakit ay nakakatuklas ng layuning lampas at higit pa sa sarili. Iyon nga kasi ang susi ng buhay na walang hanggan.
(Homiliya para sa Ika-18 Linggo ng KP, 3 Agosto 2025, Eccles 1:2; 2:21-23, Col 3:1-5, 9-11, Lk 12:13-21)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here