BOCAUE, Bulacan — Dumoble ang presyo ng mga tindang paputok sa naturang bayan dahil sa kakulangan ng supply na bunga naman ng kakaunting raw materials.
Ito ay ayon kay Lea Alapide, presidente ng Philippines Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. Naapektuhan ng election ban ang pag-angkat ng mga materyales ng mga lehitimong gumagawa ng paputok kayat huli na itong nakapasok sa bansa, dagdag pa niya.
Kasunod nito ay nabalam na rin ang paggawa at pagdala sa mga firecracker retailers ng mga finished products.
Bukod pa dito ay apektado din ng inflation ang presyo ng mga raw materials na karaniwang inaangkat sa bansang China.
Kaya’t sa ngayon ay limitado ang mga stocks ng paputok sa mga tindahan sa Bocaue gaya ng 16-shots aerial shots na dating nagkakahalaga ng P950 ngunit ngayon ay pumapalo na sa P2,000 kada piraso.
Ani Alapide, dahil sa kapos sa supply ay inaasahan na mas tataas pa ang presyo nito hanggang sa sumapit ang selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon pa sa mga nagtitinda ng paputok, ang presyo ngayon ng mga firecrackers at fireworks gaya ng silver jumbo ay nagkakahalaga ng P120-P150 per piece kumpara sa P80-P90 ng nakaraang taon.
Ang sky rocket o kwitis ang halaga ngayon ay P8-P10 per piece kumpara sa P4.50-P5 ng 2021.
Ang halaga ngayon ng Five Star ay P85 per pack na P45 dati, ang Victory Luces ay P5 kada piraso ngayon kumpara sa P2.50 ng nakaraang taon.
Ang 5 colors ng Mabuhay Luces ngayon ay P65 per bundle (10 piraso) kumpara sa P40 last year, ang Roman candle ngayon ang halaga ay P8 per piece kumpara sa P5 last year at ang 500 rounds ngayon ng sawa ay P300 mula sa P180 ng 2021.
Sa pagtaya nila ay maagang mauubos ang mga tindang paputok ngayon bago pa man sumapit ang Bagong Taon.