Home Headlines Panuluyan, tampok sa Christmas lighting ceremony sa Abucay

Panuluyan, tampok sa Christmas lighting ceremony sa Abucay

1913
0
SHARE

ABUCAY, Bataan: Isang kakaiba ngunit makabuluhang  musical interpretation ng “Panuluyan” ang ginanap bago ang pagbubukas ng Christmas lights  sa municipal hall ng bayan ng Abucay sa Bataan noong Miyerkules, Disyembre 6 na sinaksihan ng maraming tao. 

Ipinakita ang tila walang pagal na paghahanap ng mag-asawang Maria at Joseph ng lugar kung saan maaari silang manuluyan para sa pagsilang ni Hesus na humantong sa isang sabsaban.

Sa pamamag-itan ng sayaw at awit, ipinadama ng mga kabataan ang siglang nagaganap taon-taon sa pagsapit ng Pasko. 

 Kasabay ng hudyat na isinilang na ang batang Hesus, binuksan ang ilaw at nagning-ning sa liwanag ang façade ng Abucay municipal hall, replika ng Santa Klaus at iba pang Christmas decoration sa paligid.

Habang masayang sumasayaw at umaawit ang mga kabataan, dinala at inilagay ng gumaganap na anghel ang isang maliit na replika ng batang Hesus sa belen. Bukod sa belen, nagliwanag rin ang Christmas tree, tunnel of lights at iba pang dekorasyon sa harap ng munisipyo.

“Ang pagbubukas ng ating Christmas lights ay simbulo ng liwanag sa bawat isa, sa bawat tahanan bilang tanglaw  sa panibagong bukas. Ito’y isang pasasalamat din sa ating Maykapal na tayo ay patuloy na binibiyayaan at inaalalayan sa anumang araw at taon na dumadaan sa ating buhay,” pahayag ni Mayor Robin Tagle.   

“Sa bawat ningning, sa bawat kislap ng mga ilaw, ito ay isang simbulo ng pag-asa sa bawat isa sa atin.  Muli, sa bayan ng Abucay, ang bayan ng mahusay,  sisimulan na  natin ang tanglaw na magbibigay sa atin ng ligaya at pag-asa,” sabi pa ng mayor. (30)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here