Panukalang dagdag Kongresista, dapat ibasura

    327
    0
    SHARE
    Itong panukala na isinusulong
    Ng isa sa ating magastos na Solon,
    Na magdagdag pa sa Congress ng uupong
    Congressman, ang ating pupulsuhan ngayon.

    Kung saan di pa man ay tila marami
    Na ang di sang-ayon sa isyung nasabi,
    Sa dahilang dagdag pasanin lang kasi
    Kay Juan dela Cruz ang ibig na mangyari.

    Ang dami na nga riyan ang natutulog lang
    Sa oras ng sesyon, hahangarin pa n’yan
    Na maglagay pa ng mga karagdagang
    Animo’y turista lamang sa Batasan?

    Na kung saan bukod sa palagi ng ‘late’
    Ay baka sila na itong pinaka-‘best’
    At ‘most outstanding’ sa pagiging ‘absent’
    Base sa rekord ng Kongreso ‘at present’?

    Sa totoo lang po kayo man marahil
    Ay malimit n’yo rin namang napapansin,
    Ang aming tinuran kailan man o tuwing
    Nanunood tayo ng T.V. po natin;

    Partikular na riyan ang mga ‘footage’ na
    Kinunan mismo riyan tuwing sesyon nila;
    Ang iba bukod sa ang sarap talaga
    Ng pagkaka-idlip ay (tulo laway pa!) 

    At di na tinablan man lang kahit kaunting
    Kahihiyan itong kung umasta mandin,
    Asa mo’y talagang maasahan natin,
    Pero saling-pusa lang pala ang dating;

    Sa puntong animo ay ‘camouflage’ lamang
    Ng ilang ang sila nga po’y mapabilang
    Sa hanay ng mga totoong Congressman,
    Na tunay naman ding mga ‘public servant’;

    Ngunit katulad nga ng ating nasabi
    Ay lubhang malayo sa tuwirang sabi
    Ang pagiging lingkod bayan ng marami
    Sa hinihingi ng dapat na mangyari.

    Kasi nga, personal interes ang higit
    Na nangingibabaw kailanma’t may nais
    Isulong ang sinumang Representative
    Na nabibilang sa dilang matitinik! 

    Kaya’t ang magdagdag pa r’yan posibleng
    Sa ‘ting Inang Bayan ay dagdag pasanin,
    Sa ganang amin ay mas makabubuting
    Ang panukalang yan ay balewalahin;

    At umisip na lang ng kung anong batas
    Na posibleng sa baya’y magpapaunlad;
    At hindi ‘yang lalo pang magpapahirap
    Sa pamahalaan at sa ating lahat!

    Kaya kung kami ang inyong tatanungin,
    Ay baka higit pang sa gobyerno natin
    Makapagdudulot ng kahit katiting
    Na ginhawa kung ya’y ating baligtarin;

    Kung saan imbes na dagdag Kongresista
    Ang ipanukala, ya’y ibalik nila,
    Sa dating ang bawat probinsya’y dalawa
    Na lang ang ihalal kaysa dagdagan pa!

    At tularan natin ang ugaling noon
    Ay pina-iral ng sundalo ng Hapon,
    Na kung di makayang itulak ang bagon
    Ng apat katao, babawasan pa ‘yon;
    (At dalawa na lang ang ititira r’on
    Upang mas magaan bagang mai-ahon?)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here