DI KO NINANAIS sabihing kawalan
ng muni ng ating taga bangko sentral,
itong panukala ng kung sino riyan
na ang sirkulasyon ng barya palitan.
At ang ipagamit isang makabago
O ‘hi tech na uri yan ng instrumento,
Na ala ATM ba ang pagproseso
Ang pag-gamit n’yan kung may bibilhin tayo?
Gaya ng sa isang ‘sari-sari store’
Bumili tayo ng sinulid, karayom
Ang tanong natin ay – iyan sa paanong
Paraan uusad sakali’t ituloy?
Na kung may sukli ka, paano mo ito,
Puedeng makuha sa mismong binil’han mo,
Kung ‘coinless’ na nga ang umiral ng husto
Pati ang pagbili lang ng kahit ano?
Mautusan pa ba itong mga bata
Para bumili yan ng tinging mantika
Sa isang karaniwan lang na tindahan nga,
Ng halagang treynta pesos halimbawa?
Di ‘coinless society’ ang sa ganang atin
Ang solusyon upang itong ‘Covid-19
Maiwasan, kundi sa subok na nating
‘Isolation’ at/o sa ‘social distancing’.
Ang pangamba nitong ating mga ‘genius’
Na ‘heads of office’ ng CBP, di pasok
Sa hinala n’yan na umano itong ‘coins’
Ay napakabilis kapitan ng ‘virus’.
Kung sa ‘coins’ tayo ay madaling mahawa,
Sa ‘virus’ ng Covid, baka ibayo pa
Ang taglay na ‘danger’ o peligrong dala
Ng salapin papel nating hawak tuwina.
Pagkat ang papel ay madaling kapitan
Ng anumang sakit kumpara sa metal,
Kaya masasabi nating kabobohan
Ang balak isulong nitong bangko sentral.
Ang daming solusyong higit na mabuti
Kaysa isulong ang ‘coinless’ na nasabi,
Na sa ganang tanan lubhang imposible,
Ang kakatwang bagay na gustong mangyari.
Manapa, ang dapat nilang pagtuunan
Ng pansin ay itong inilabas nilang
Pigura at laki r’yan ng mga baryang
Nasa sirkulasyon sa kasalukuyan.
At di itong ‘coinless’ nilang panukala
Ang siyang ipilit na gamitin ng madla,
Na kung talastasin, sampal yan ika nga,
Sa nakararami nating mga dukha.
Kabilang na tayo r’yan sa tiyak milyon
Ang sinisuguro kong pihong tututol,
Sa panukala riyan ng sinu-sinong
Masasabi natin na may pagka-bopol.
(DI KATULAD noong dekada singkwenta,
Ang singko at dyes ay lubhang magkaiba,
Beinte sentimos at saka ang mamera,
Mabibilang kahit sa loob ng bulsa.)
At dito nga lamang din sa Pilipinas
Pabago-bago ang disenyo ng lahat
Ng ‘currency’ natin, di gaya sa ‘State,’
Ang kanilang dolyar iisa ang ‘image’!)