ANG PAGKUMBINSI sa kapwa mambabatas
Nitong isang Solon na taga Batangas,
Para magpasa ng kaukulang batas,
Na magbabawal sa pagkatay at sukat
Ng mga kalabaw bilang panghalili
Sa karne ng baka ay makabubuti
At tunay naman ding naa-ayon pati
Sa utos ng isang dating Presidente
Na dili’t iba ay si Ramon Magsaysay,
Na siyang unang nakaisip ipagbawal
Ang pagpatay at pagkatay ng kalabaw
Para itinda o gamit panghandaan
Yan ay di na bago sa ating pandinig
Sapagkat noon pa mang 1956
Ay ipinagbawal na nga ang pag-gamit
Sa karne n’yan bilang sa baka pamalit.
Aywan lang natin kung naisabatas yan
Kung kaya’t ang utos ay dagling naparam
Nang si Magsaysay ay bigla ngang pumanaw
Sanhi ng pagbagsak ng Jet na sinakyan
At nabale-wala ang pagnanais niya
Na ang kalabaw at mga kauri pa
Ay ipagbawal nang karnihing kagaya
Nitong ating mga alagaing baka.
Kaya ngayong ang naturang pagbabawal
Ay binuhay muli para ipairal,
Base sa ‘Animal Welfare Act,’ kabayan
Ay dapat purihin itong nagsulong n’yan
Na sina Congressmen Mendoza’t Salvador
Ng Batangas at lalawigang Sorsogon,
Maliban sa iba pang butihing Solon
Na inaasahang sa Bill ay papabor.
Pagkat tunay namang itong ninanasa
Ng naturang Solon ay may halong awa,
Kundi man direktang bilang gantimpala
Na rin sa kalabaw, sa tunay na diwa
Ng isinusulong nilang pag-amyenda
Sa bill o anumang klaseng ordinansa,
Na ipinairal sa bansa noong una
Upang ang kalabaw huag nang katayin pa.
At kabilang tayo sa dumadalangin
Na sana’y tuluyang maipasa ang Bill,
Upang sa gayon ay mailigtas natin
Sa inhustisya at kawalan pati rin
Ng utang na loob nitong magsasakang
Pinaglingkuran niya’t inaring kaibigan,
Pinagtrabaho ng walang kabayaran,
At kinatulong yan sa pagpapaaral
Ng mga anak niya hanggang makatapos,
Pero ano’t nga nang suko na sa pagod
Ang dati ay malalakas nitong tuhod,
Ay may maitim ng balak ang kanyang boss?
At dadalhin na nga yan sa Matadero
Upang ipagbili at karnihin ito,
Kaya ano pa bang kahantungan nito
Kundi ng Tapa ay tiyak na Tocino?
Pero kung tayo ang masusunod, Kaka
Total ban na dapat hanggang sa pagtanda
Ang kailangan upang ang kaawa-awa
Ay mailagay sa kalagayang tama;
Kung saan ang bawat hindi na makaya
Ang humila pa ng araro o balsa,
Ay magkarun sila sa bawat probinsya
Ng pinakabahay o kabalyarisa.
At gobyerno ang siyang sa damo tutustos
O magpapakain hanggang sa matigok;
Na kagaya ng taong ulilang lubos
At wala ng kapamilyang kumukupkop!