ANG kahilingan ni Alan Cayetano:
mabigyan – bawat pamilyang Pilipino
ng ayudang aniya ay tig-sampung libo,
nang ‘monthly,’ aywan lang kung uusad ito.
Ipagpalagay na nating suportahan
ng kaalyado niya sa ating Batasan
ang ganyang klase ng suhestyon ni Alan,
yan sa ganang atin, pabigat sa bayan.
Hirap na nga itong ating Inangbansa
sa iba’t-iba riyang pasanin, ika nga,
idagdag pa itong ganyang panukala
ni Sir, kung matamang sinuri ang nasa?
Kung saan tama at pabor sa mahirap
na pamilyang Pinoy ang posibleng hangad
ni congressman, pero ito ay taliwas
sa normal na takbo ng pamamalakad.
Tatamaring lalo ang mga batugan
na mga ama at ina ng tahanan,
kung may permanente ng maasahang
kuwartang matatanggap tuwing katapusan.
Na kagaya riyan ng kung tawagi’y 4Ps,
ng nakararami riyang ‘beneficiaries’
ng gobyerno – yan sa sugal lang ni misis
inuubos at di pambili ng gamit.
(Ipagpaumanhin ng ilang posibleng
nasundot, nasaktan sa komento natin,
pero yan ganang r’yang ikagagaling
ng lahat, kung ito’y kanilang susundin).
‘Untimely,’ sa ganang atin ang ‘proposal’.
ng butihin at talentadong congressman,
pagkat masasabi nating ‘infomercial’
ang ganyan, sa sinumang halal ng bayan.
Kasi bilang pulitiko’t mambabatas,
ang ganyang sistema ng pagpapahayag
ng ‘financial support’ at kahalintulad
na pagkilos, tila di karapatdapat.
Ang daming panahon, kung saan malaya
n’yang maisulong ang ganyang panukala,
eh, bakit ngayon lang na tatakbo yata
uli sa Batasan, umeksenang bigla?
Ang pagpapabango sa mata ng bayan,
mayrung iba’t-iba r’yang pamamaraan;
di ganyang kung kailan lamang ang halalan
ay papalapit na, saka gagawin yan.
Sabagay alam niyang di siya pupuedeng
akusahan pa r’yan ng ‘electioneering,’
pagkat di pa sakop ito ng pagpa- ‘file’
ng ‘candidacy’ ng sinuman nang gawin
Pero malinaw na ‘infomercial’ itong
inasal ng ating ng magaling na Solon,
kung saan ang ganyan na isinusulong
ni Alan ay labag sa’ting Konstitusyon.
Ipagpalagay ng wala siyang nilabag
na patakaran o panuntunang mambatas,
pero yan sa bayang lugmok na sa hirap
dagdag pasakit at di karapat-dapat!