Home Headlines Pantay na benepisyo ng lehitimo at ilehitimong anak isinusulong

Pantay na benepisyo ng lehitimo at ilehitimong anak isinusulong

314
0
SHARE
Atty. Aeneas Eli Diaz, nominee ng Pamilya Ko partylist. Kuha ni Armand Galang

TALAVERA, Nueva Ecija – Isang lumang kaisipan na dapat nang baguhin ang pagkakaloob sa ilehitimong anak ng kalahati ng mamanahin ng lehitimo nitong kapatid, ayon sa isang partylist organization.

Sinabi ni Aeneas Eli Diaz, 1st nominee ng Pamilya Ko Partylist, isinusulong ng kanilang grupo na maging pantay ang mamanahin ng ilehitimong anak sa kanyang mga kapatid dahil hindi naman nito kasalanan ang pagkakamali ng kanyang magulang.

Bukod dito, nais din ng Pamilya ko Partylist na magpasa ng batas para sa karapatan ng mga live-in at LGBTQIA+.

Ipinaliwanag ni Diaz na kailangang amyendahan ang Family Code upang mabura ang pagkakaiba sa illegitimate at legitimate na anak sa pagmamana.

Inspirasyon, aniya, ng kanilang grupo ang mismong desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon na nagnanais mabura ang distinction sa mga anak.

“May nabanggit ang Supreme Court sa isa niyang desisyon na sinasabi na there is nothing illegal or illicit with the child being born out of wedlock. Kaya sabi ng Supreme Court dapat tigilan na natin ang paggamit ng mga terminolohiya na lehitimo o ilehitimo,” sabi ni Diaz.

Hindi niya binanggit ang ispisipikong kaso.

Ipinayo pa raw ng SC na mas mabuting gamitin na salita ang marital o non-marital patungkol sa mga anak.

“Kami sa partylist we want to make a step further,” dagdag niya. Kaya mula sa katawagan ay gusto umano nila na palawakin ito hanggang sa karapatan.

Ayon kay Diaz, pangunahing layunin ng Pamilya Ko na itaguyod ang proteksiyon ng nagbabagong anyo o non-traditional na pamilya, kabilang ang live-in parents, overseas Filipino workers family, victims and survivors of domestic violence, adoptive family, blended family, LGBTQIA partners, elderly and extended heads of family, at solo single parent.

“We believe that each Filipino family deserves love and protection,” paliwanag niya.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Diaz sa mga residente ng bayang ito ang kahalagahan ng pagboto ng partylist sa paggawa ng mga batas na tumutukoy sa isang partikular na sektor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here