Pantabangan Dam. Photo from web/CTTO
CABANATUAN CITY – Nilinaw ngayong Huwebes ng National Irrigation Administration- Upper Pampanga River Integrated Irrigation System na hindi nagpakawala ng tubig ang Pantangan Dam sa kabila ng mga nagdaang bagyo nitong mga nakaraang araw.
Sa isang anunsiyo sa mga Novo Ecijano ,binigyang diin ni NIA-UPRIIS department manager Engr. Rosalinda Bote na ang bagyong Pepito at Quinta natumahak sa Luzon ay nagdulot lamang ng halos apat na metrong pagtaas ng tubig sa Pantabangan reservoir.
Hanggang nitong Oct. 28, ayon kay Bote, ay nasa 194.14 metro lamang ang water elevation nito at “ito ay malayo pa sa nakatakdang 221 metro na spilling level o antas ng awtomatikong pagpapakawala ng tubig mula sa dam.”
Ang paglilinaw ay ginawa ng opisyal sa gitna ng mga haka-haka na ang rumagasang tubig-baha sa maraming lugar ng Nueva Ecija nitong mga nagdaang araw ay mula sa dam.
Matatandaan na ilang lansangan ang hindi nadaanan at may mga barangay na binaha nang bumuhos ang ulan bunsod ng bagyong Quinta.
“Kakailanganin pa ng Pantabangan Dam ang maraming bagyo para maabot ang antas na 214 metro upang mapatubigan ang kabuuang 140,000 ektaryang nasasakupan sa dry season 2021. Ang mga pagbaha sa Nueva Ecija ay kontribusyon ng mga tubig–ulan at ang bulto ng tubig ay nagmumula sa Gabaldon at Digmala River. Kaya wala pong katotohanan na sanhi ng pagbaha sa Nueva Ecija ay pagpapakawala ng tubig ng Pantabangan Dam,” paglilinaw sa anunsiyo.
Hindi raw dapat mabahala ang publiko dahil amg NIA-UPRIIS ay magpapalabas ng kaukulang impormasyon o opisyal na pabatid anim na oras bago magpakawala ng tubig mula sa Pantabangan Dam kung darating ang pangangailangan.