Home Opinion Paninindigan

Paninindigan

358
0
SHARE

SA MISANG ng ating Paggunita kay Santa Clara ng Assisi pagninilayan ang pagiging huwaran niya sa SAMA-SAMANG PAGLALAKBAY TUNGO SA KAGANAPAN NG BUHAY. Isa siya sa mga unang nagpahayag ng suporta kay Saint Francis nang talikuran nito ang marangyang buhay at negosyo ng kanyang ama, upang sumunod sa yapak ng Panginoong Hesukristo at tumugon sa tawag ng makalangit niyang Ama. Dahil idinemanda siya ng sariling Ama sa salang pagwawaldas sa kayamanang pinagpaguran niya na ibinabahagi sa mga mahihirap, hinubad niya pati sariling damit upang isoli ito sa tatay niya na nagtatwa sa kanya, at binuo ang isang bagong pamilya ng mga Franciscano. Akmang akma ang ating mga pagbasa sa temang ito.

Narinig natin ang tanong ni Hesus sa mga alagad niya. Kayo rin ba, iiwan na rin ba ninyo ako? Sinabi niya ito, matapos na nagsipagtiwalag ang ibang mga kasamahan nila dahil hindi matanggap ang mga itinuturo niya tungkol sa Tinapay ng Buhay. Na ito’y may kinalaman sa pag-aalay niya ng sariling laman niya bilang pagkain at sariling dugo niya bilang inumin. Si Pedro daw ang sumagot at ang sabi niya, “Panginoon, saan pa ba kami pupunta? Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala na kami at naninindigan na ikaw ang Hinirang ng Diyos.”

Pagnilayan natin ang sinabi niya. Tatawagin nating tatlong yugto ng pananampalataya: una, kanino pa kami pupunta? Pangalawa, naniniwala na kami. Pangatlo, naninindigan kami. 

May isang ale, sinabi niya sa kumpisal na nawalan na siya ng pananampalataya dahil nabulyawan ng parish priest nila. Sabi ng pari, “Siguro hindi pa naman lubos na nawawala kasi andito ka pa rin at nangungumpisal. At kung nawala na nga dahil lang nabulyawan ka, ok lang siguro na mawala dahil mababaw pa para masimulan mong hanapin ang mas malalim na uri ng pananampalataya.”

Kung merong kasabihang “Nemo dat quod non habet,” (You cannot give what you do not have…, o hindi mo maipamimigay ang hindi iyo.) siguro magandang gumawa rin tayo ng kasabihan “You cannot lose what you do not have.” (Hindi mawawala sa iyo ang hindi naman napasaiyo.)

Magandang itanong: Ano ang dahilan kung bakit kayo nananatili gayong maraming dahilan para umalis o tumiwalag? Bakit pinipili nating maniwala pa rin kahit marami tayong di maintindihan o matanggap? Alam nating kung minsan ay meron ding mga iskandalong kaugnay sa financial o sexual abuse sa simbahan. Minsan may pulitika din sa mga Church leaders—tayo’y laging simbahan ng mga banal at makasalanan.

Tatlong linya ang sagot ni San Pedro: Panginoon, saan pa kami pupunta? Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay buhay na amin nang pinaniniwalaan, at amin nang pinaninindigan na ikaw ang Banal na hinirang ng Diyos. 

SAAN PA KAMI PUPUNTA? Ang katumbas nito ay, wala naman kaming ibang mapagpipilian sa ngayon. Saka na kami magdidisisyon kung meron nang ibang pagpipilian. Ika nga, “We’ll cross the bridge when we get there.” Yun e kung aabot kami doon at kung may tulay pagdating doon. Tumaya na kami dito, ba’t pa kami bibitaw at magpapalugi? Hindi naman talaga laging wagas ang motibasyon natin lalo na sa una. Mas mabuti na ang praktikal at nagpapakatotoo. Pero nalalampasan natin sa katagalan ang ganoong disposisyon.

Ang ikalawang linya: mananatili na kami dito dahil ang salita mo ay nakakabuhay ng loob. Ibig sabihin, naririnig namin sa iyo ang Diyos. Hindi “We believe“ kundi “We have come to believe.” May proseso nang pinagdaanan bago tayo humantong dito. May pundasyon nang kasaysayan, karanasan at alaala ng nakaraan. Parang ganito rin ang sinasabi ni Josue sa ating unang pagbasa: 

“Kami ng mga kasambahay at kapamilya ko ay nagkasundong maglilingkod sa at magiging tapat sa Panginoon.” Ang batayan nila ay kasaysayan, ang ipinasang alaala ng kanilang mga ninuno kahit hindi nila ito naranasan sila mismo. “Ang Panginoon na ating Diyos ang nagpalaya sa ating mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Ehipto.… siya ang gumawa ng mga kababalaghanpara sa atin, ang kumalinga sa atin sa paglalakbay … Kaya’t pinagkaisahan namin na mananatili kaming tapat atsi Yahweh lang ang paglilingkuran.” Kaya pala mahirap maniwala ang taong walang sense of history. Ang pagkalimot sa kasaysayan ay simula na ng pagtalikod sa mga sinumpaan. 

Kaya mahalagang ipasa ang mga salaysay ng mga ninuno. Pinanghahawakan natin dahil may tiwala tayo sa kanila. Kapani-paniwala ang patotoo nila.

Ikatlong linya: paninindigan namin ang aming sinasampalatayanan. Karamihan sa atin ay naging katoliko dahil tradisyon. Ito na ang nakagisnan. Wala naman kaming ibang alam. Ba’t mananatili? Pwedeng nasa una o pangalang yugto pa lang. Sa totoo lang, nagsisimula pa lang ang buhay pananampalataya kapag ang tinanggap natin ay napaninindigan na natin. Kapag hindi na pinilit kundi pinili, kusang loob na inako at pinangatawanan kahit mawalan pa tayo ng ari-arian o kaibigan, kahit ipagdusa pa natin at ikamatay ito.

Nagsilbi sina St. Francis at St. Clare bilang mga paalala sa simbahan noong mga panahon na unti-unti nang nakakalimutan ang kanyang bokasyon na makilakbay kay Kristo, makilahok sa kanyang buhay at misyon. Matinding inspirasyon ang ibinigay ng dalawang magkaibigan na ito na naging huwaran sa kabanalan, upang ang gumuguhong simbahan ay maitayong muli, ang mga obispo, pari at relihiyoso na bumibigay na sa tukso ng kayamanan, kapangyarihan at katanyagan ay manumbalik sa pakikilakbay sa landas ni Kristo, ang landas ng Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos.

(Homiliya para sa Ika-21 Linggo ng Karaniwang Panahon, 25 Agosto 2024, Juan 6: 60-69)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here