Home Headlines Pangunahing tulay sa NE posibleng isara sa malalaking sasakyan

Pangunahing tulay sa NE posibleng isara sa malalaking sasakyan

138
0
SHARE

GABALDON, Nueva Ecija – Isa pang pangunahing tulay sa Nueva Ecija ang napipintong isara sa malalaking sasakyan sa lalong madaling panahon dahil sa biglang pagkabutas ng isang bahagi nito.

Ayon kay Mayor Jobby Emata, may tinitingnan na silang dalawang lugar na posibleng gawing alternate route sakaling isara sa mga trak at malalaking sasakyan ang 197-meter two-lane na Dupinga Bridge.

Ang Dupinga Bridge ang tanging tulay na nag-uugnay sa bayang ito ng Nueva Ecija at sa bayan ng Dingalan, Aurora mula at patungong Cabanatuan City at iba pang bahagi ng Central Luzon.

Nagdaraan din dito ang ilang residente ng Gen. Nakar, Quezon, ayon kay Emata.

“Sa ngayon po ay humahanap po tayo ng daan para magkaroon po ng alternatibong ruta. Para po ‘yung malalaking sasakyan, mga trak, mga buses po, ‘yung mga nagdi-deliver po ng feeds, ito pong malalaking sasakyang ito ay magkaroon ng alternatibo pero medyo permanenteng mga daan para nang sa ganun ay hindi po makaapekto sa bigat na dinadala po ng ating Dupinga Bridge,” ani Emata.

Wala pang pahayag ang Department of Public Works and Highways hinggil dito subalit lumalabas na noong 2025 ay inilagay na ito ng kagawaran sa Priority Level 2 na nangangahulugan na kailangan nang i-programa dahil sa katandaan.

Sa talaan ay itinayo ng Dupinga Bridge bago mag-1970 o sa pagitan ng 1945 at 1970.

Nobyembre 2025 umano nang mapansin ng DPWH ang palatandaan ng posibleng pinsala sa ilalim ng tulay. Unang linggo ng Pebrero lumitaw ang butas sa ibabaw nito kaya’t nilagyan pansamantala ng steel plate at mga pananda ng ahensiya.

Ayon kay Emata, nagkaroon na sila ng inisyal na pagpupulong ng mga kinatawan ng DPWH Nueva Ecija District Engineering Office 2 at kapwa nagpahayag ng pagtutulungan. Ngunit wala pa umanong budget ang ahensiya para dito na tinatayang aabot sa P200-milyon.

Dupinga Bridge sa Gabaldon at bahaging nabutas. Kuha ni Armand Galang

“Sobrang importante po ‘yung Dupinga Bridge. Hindi lamang po dun sa magsasaka, hindi lamang po sa mga estudyante, sa mga nagta-trabaho, mga mangangalakal pati na po dun sa mga taga-ibang bayan na katabi po namin. Sa bayan ng Dingalan, bayan ng Nakar, sila pong lahat papunta po sa siyudad ay dadaan dito sa atin pong Dupinga Bridge,” paliwanag ng alkalde. 

HIniling na ng lokal na pamahalaan sa DPWH na lagyan ng vertical clearance o height limiter ang tulay upang maiwasan ang labis na pinsala nito.

Sa ngayon ay hindi naman kailang tuluyang isara ang tulay, paglilinaw niya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here