Pangangampanya ng sobra kaaga, pagtatapon lang ng pera

    403
    0
    SHARE

    Halos pitong buwan pa bago sumapit
    Ang halalan, pero haya’t maririnig
    Na natin sa ibang mahusay gumimik
    Ang pasimple nilang mga ‘campaign sorties’

    At bagamat yan ay maaring sabihing
    Paglabag sa batas o ‘electioneering’,
    Ito’y di tuwirang paglabag sa ating
    ‘Omnibus Election Code’ kung tutuusin

    Dala na rin nitong kung di diretsahan
    Ang pag-gamit ng ‘Vote’ o salitang “Ihalal”
    Sa unahan o kabuntot ng pangalan
    Nitong sino pa man yan ay hindi bawal

    Gaya halimbawa kung ito’y pagbati
    Ng “Masayang Fiesta” o anumang uri
    Ng mga pahatid mensahe kunwari,
    Dala ng kung anong mga pasubali;

    Na aywan kung sadyang hindi hinigpitan
    Ng Comelec itong mga panuntunan
    Hinggil sa ‘Omnibus Code’ nitong naturan
    Sanhi ng kung anong ‘exception’ kung minsan.

    Kaya naman hayan kahit batid nila
    Na pinagbabawal ang pangangampanya
    Ng ganyang ika nga ay sobra kaaga,
    Ay marami na r’yan ang nagkagasta na.

    At ngayon pa lang ay dumukot ng tiyak
    Sa bulsa ang ibang sagana sa lahat
    Ng bagay na puedeng isugal at sukat
    Para makalamang pagdating ng oras

    Na siya namang pinag-pipiestahan nitong
    Walang hinihintay kundi ang panahon
    Ng halalan para muling magkaroon
    Ng laman ang bulsa ng higit marunong

    Sumakay sa bangka ng alin mang panig
    Na inaakalang siyang mananaig,
    Pero kapag ito’y medyo tumagilid
    Ay sa kabila na sila nakakapit.

    Na di nalalayo sa asal at gawi
    Ng ibang opisyal na napakadali
    Din namang mag-ala Hunyango, sakali
    Ang sinasandalan ay biglang mabali.

    (At wala ng lakas para maging hagdan
    Patungo sa mas mataas na tutungan,
    Gaya nitong dating taga Malakanyang
    Na iniwa’t sukat ng alagang tunay)

    Pagkat sa daigdig nitong pulitika
    Ay tunay na walang tiyak na kasangga,
    Di lamang sa mga lider at iba pa
    Kundi pati na rin sa botante nila.

    Kaya, gaano man kaaga ang gawin
    Nating paglilibot upang ating hingin
    Ang suporta r’yan ng manghahalal na rin,
    Ay bale wala at malaking gastusin

    Para sa sinuman na nagnanais na
    Mangibabaw laban sa ‘opponents’ nila,
    Pagkat di sa ‘early campaign’ makikita
    Ang galing at husay ng kahit sino pa.

    Kundi sa kung anong klase ka ng lider
    Kung ‘re-electionist’ ka at nasa poder;
    Pero kung baguhan ka pa o ‘newcomer’
    Ay ibabase yan sa ‘moral character’

    Ano’t-ano pa man ang sobra kaaga
    Kung kumilos ay may ‘advantage’ sa iba,
    Dangan nga lang kapag sira na talaga
    Sayang lang kahit na ya’y doblihin nila!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here