LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Tinalakay ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang mga pangangailangan ng mga katutubo sa pag-aaral.
Ayon kay NCIP Nueva Ecija Provincial Officer Ronie Caanawan, nananatiling suliranin sa edukasyon ng mga katutubong kabataan ang hindi naipagpapatuloy na pag-aaral dahil sa sitwasyon sa buhay.
Prayoridad aniya ng mga katutubo na matugunan ang pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay at pagsuporta sa pamilya.
May dumating man na tulong pinansiyal o gamit sa eskwela na ipinamamahagi sa mga estudyante ay nagkakaroon pa din ng mga drop out dahil sa hind kayang matugunan ng pamilya ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga anak.
Ipinahayag din ni Caanawan na sa walong ancestral domain sa buong lalawigan ay pangangailangan pa din ang karagdagang mga silid-aralan, mga guro at pagkakaroon ng maayos at ligtas na daan patungo sa eskwelahan.
Mayroon pa din aniyang mga lugar sa Nueva Ecija na kinakailangang tumawid sa ilog at bundok bago makarating sa paaralan.
Pagtungtong naman ng kolehiyo ay katuwang ng kagawaran ang mga pamantasan sa lalawigan tulad ang Nueva Ecija University of Science and Technology at Central Luzon State University sa pagtanggap at pag-alalay sa pangangailangang pag-aaral ng mga katutubo.
Ibinalita din ni Caanawan ang scholarship program ng NCIP na ipinagkakaloob sa limitado lamang na bilang na mga estudyante sa kolehiyo batay sa alokasyon ng pondo ng ahensya.
Mayroon ding natatanggap na educational assistance ang mga katutubong mag-aaral sa tulong ng mga programa ng mga lokal na pamahalaan at mga Indigenous Peoples Mandatory Representative.
Ayon pa kay Caanawan, nakabukas at laging handang makipag-ugnayan ang tanggapan sa iba’t ibang ahensya mula man sa pamahalaan o pribadong tanggapan na nais magpaabot ng tulong sa mga katutubo na may kaugnayan sa edukasyon, kabuhayan at iba pang pangangailangang magpapalakas sa sektor.