Home Headlines Panganakan limitado ang mga pasyente dahil sa Covid

Panganakan limitado ang mga pasyente dahil sa Covid

796
0
SHARE

Limitado muna ang tatanggapin na pasyente sa panganakan ng Bulacan Medical Center. Kuha ni Rommel Ramos



LUNGSOD NG MALOLOS — Pansamantalang isasara hanggang sa ika-9 ng Oktubre ang
outpatient consultation ng internal medicine department ng Bulacan Medical Center dahil sa kakulangan ng mga duktor.

Siyam na duktor kasi dito ang nagpositibo sa corona virus disease kaya’t nagpasya ang pamunuan ng ospital na pansamantalang isara ang OPD consultation dito.

Sa pahayag ni Dr. Hjordis Marushka B. Celis, provincial health officer II ng Bulacan Medical Center, ang operasyon ng internal medicine department ang pinakamalaking naapektuhan ng Covid-19.

Ayon kay Celis, dalawa sa siyam na duktor na nagpositibo sa virus ang nakarecover at nakabalik na sa trabaho ngunit sa pito ay kasalukuyan pang may mga naka-admit sa pagamutan habang ang iba ay naka-quarantine naman.

Dahil sa hindi makakapag-operate ng 100 percent ang OPD ay pansamantalang hindi sila tatanggap ng mga walk-in patients ngunit maaari naman ang konsultasyon sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang tanggapan.

Samantala matapos din ang ilang araw na pagkakalockdown ay tatanggap na muli ng mga pasyente ang panganakan ng BMC.

Ayon naman kay Dra. Rowena Labao, OB-GYN Department chief, may pagbabago sa kanilang guidelines sa pagtanggap ng pasyente matapos na magkaroon ng mga nanganak doon at bantay na nagpositibo sa Covid-19.

Aniya, tanging mga complicated cases, may high risk pregnancy at complicated gynecologic patients lamang sa ngayon ang kanilang tatanggapin.

Ngunit depende pa rin ito kung may bakante pang kama sa kanilang ospital.

Batay sa bagong guidelines ay 82 lamang na mga pasyenteng manganganak ang kaya nilang tanggapin kasama na dito ang 16 na isolation ward na inilaan sakaling may pasyente muli na magpopositibo sa Covid-19.

Dahil dito ay pinayuhan naman niya ang mga pasyenteng hindi kumplikado ang kalagayan sa panganganak na magtungo sa mga lying-in at district hospital sa lalawigan na kaya namang gawin ang kanilang panganganak.

Matatandaan na 17 na mga bagong panganak na nanay at tatlo sa mga bantay sa OB ward ng naturang ospital ang nagpositibo sa Covid-19 kayat isinailalim sa lockdown ang operasyon nito ng nakaraang linggo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here