Home Headlines Panelo: RevGov magmumula sa taumbayan, Duterte-Duterte 2022 pinalutang

Panelo: RevGov magmumula sa taumbayan, Duterte-Duterte 2022 pinalutang

764
0
SHARE

Personal na dumalo si Presidential Legal Affairs Secretary Salvador Panelo sa pagsusulong ng grupong People’s National Coalition for Revolutionary Government and Charter Change para sa revolutionary government. (Photo courtesy of Bobby Briliante)



STA. CRUZ, Zambales — Patuloy pa rin ang pagsusulong ng grupong People’s National Coalition for Revolutionary Government and Charter Change para sa revolutionary government kung saan ay personal na dumalo si Presidential Legal Affairs Secretary Salvador
Panelo nitong Sabado.

Dito ay sinabi ni Panelo na kailangan ng mabigat na dahilan para ideklara ang revolutionary government at ang isa nga dito ay kung magmumula ito sa taumbayan.

Ani Panelo, hindi magmumula kay President Duterte ang deklarasyon ng RevGov ngunit wala namang makapipigil kapag ginusto ito ng taumbayan dahil naniniwala sila na ang pinakamataas na batas ay ang kapakanan ng sambayanan.

Sa pagtitipon ay pinalutang din ni Panelo ang ideya ng Duterte-Duterte tandem sa 2022 gaya aniya noon sa Davao kung saan lumaban bilang alkalde at bise-alkalde ang mag-amang Duterte kung saan ay unopposed ito dahil sa taas ng popularidad.

Nais daw niya na maging presidente si Davao Mayor Sarah Duterte at mag-vice president dito si Pangulong Digong sa halalan ng 2022.

Mula aniya nang palutangin niya ang ideya na ito gaya ng paglunsad niya na tumakbo ng pagkapangulo noong 2016 si Duterte ngunit ngayon ay wala pa sa mga oposisyon ang nakakibo.

Matatandaan aniya na ang mag-inang Cory at Pinoy at mag-amang Diosdado Macapagal at Gloria Arroyo ay kapwa naging presidente ang mga magulang at anak ay bakit naman daw hindi pwedeng gawin kay Sarah Duterte.

Maari naman aniya na mag-bise si Digong kay Sarah para mapagpatuloy pa ang mga nasimulan nito na pagbabago.

Kumpyansa si Panelo sa kanyang ideya dahil sa 91% approval rating ng Pangulong Duterte.

Samantala, sinabi naman ni dating Makati Vice Mayor Bobby Brillante, secretary-general ng People’s National Coalition for Revolutionary Government and Charter Change na maghihintay na lamang sila ng hanggang buwan ng Pebrero ng susunod na taon sa komento ng Pangulong Duterte sa kanilang panukalang pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng revolutionary government.

 

Matatandaan na Oktubre 20 ng pormal na inihain nina Brilliante sa Malacañang ang mga dokumento para sa panukalang pagdedeklara ng revolutionary government bilang daan sa pederalismo.

Ang dokumento na inihain ay naglalaman ng draft proclamation para sa revolutionary government at provisional constitution nito para sa pagpapalit ng Saligang Batas patungo sa presidential-federal-parliamentary form of government.

Sa panayam kay Brillante ay sinabi nito na maghihintay pa sila ng hanggang February 2021 ng reaksyon dito ng Pangulong Duterte para maideklara na ang RevGov bago pa matapos ang termino nito.

Kung hindi aniya ito maidedeklara hanggang sa buwan na iyon ay magkakaroon na sila ng mass actions para hilingin na pamunuan ng Pangulong Duterte ang kanilang nais na revolutionary government.

Nilinaw niya na wala silang nilalabag na batas at ito ay isang mapayapang paraan ng pagbabago ng Saligang Batas na dapat ng gawin sa lalong madaling panahon dahil naniniwala silang si Duterte lamang ang maaring mamuno nito.

Sa time frame ni Brillante, ay kakayanin sa loob ng sampung buwan na nasa ilalim ng revolutionary government ang bansa ay kayang mapalitan ang Saligang Batas patungo sa pederalismo kung saan ay babalangkasin ang mga nilalaman nito na isusumite naman sa taumbayan para sa referendum.

Matapos noon ay gagawin na ang local at national election ng pederalismo bago ang pagbaba ng Pangulong Digong sa pwesto sa June 30, 2022. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here