LUNGSOD NG GAPAN – Isang madre ang nanawagan ngayon sa lahat ng motorista na tiyakin ang pinakamataas na antas ng pag-iingat sa bawat pagmamaneho at ituring ang bawat isa na kapatid na hindi nanaising masaktan kahit sa isang aksidente.
Ang panawagan ay ginawa ni Sis. Josephine Mata, lider ng Franciscan Apostolic Sisters ng Three Kings Parish sa lungsod na ito matapos mamatay sa isang aksidente sa Batangas noong nakaraang Huwebes ang kanyang kasamang madre na si Sis. Flordelina Fernandez Espiritu,52, kasamang katekista na si Jasmine Liwag,32, at kanilang ampon na si Emily Capio, 16.
“Nakikiramay din po kami sa pagdadalamhati ng lahat kasi wala naman pong may gusto nito. Yung driver din po ay nasa kritikal na kundisyon,” ani Mata sa isang panayam pagkatapos na Misa sa Three Kings Parish Center.
Walang tigil sa pagdating sa Parish Center ang mga mananampalataya at opisyal ng simbahang Katoliko upang dumalaw at mag-alay ng panalangin bago tuluyang iuwi sa kaniyang bayan sa Cagayan ang labi ni Flordelina.
“Patuloy na paghingi ng pag-iingat kasi alalahanin na may mga pamilyang inuuwian ang bawat isa at mga komunidad na pinagsisilbihan ang bawat isa,” ani Mata.
“Magturingan na isang pamilya bawat paggalaw. Yung sakit po ng isa ay apektado po lahat. Yung consciousness po na ganun na magkakapatid dahan dahan lamang sa pagmamaneho,” dagdag pa niya.
Ang mga biktima ay namatay matapos na ang kanilang sinasakyan (CRR 986) na minamaneho ni Larry Mendoza, 47, ng Three Kings Parish ay bumangga sa isang Isuzu Tractor Head (RFY 710) na minamaneho naman ng isang Vincent Lutrana Lampa,27, sa Star Tollway in Barangay San Andres, Malvar, Batangas, ayon sa ulat ng pulisya.
Si Liwag ay nadeklarang patay na sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City kung saan sina Mendoza, 47, at Maribel Sabat Gervacio, 45, ay isinugod din.
Ang cargo truck, ayon sa pulisya, ay may kargang tone-toneladang mais mula sa Pangasinan.
Ang madre at kanyang mga kasama naman ay nakatakda sanang ihatid si Capio, isang bulag, sa kanyang mga magulang na inalagaan sa Parokya nang may dalawang taon matapos matagpuang gumagala sa lungsod na ito.