NGAYONG ang paglobo ng kriminalidad
ay tunay naman ding sobra na ang taas
sa lahat ng dako nitong Pilipinas,
ang parusang bitay buhayin na dapat.
At higit sa dati na saklaw talaga
ng ‘death penalty’ ay mas paigtingin pa
kaysa bawasan ang bigat ng parusa,
na dapat ipataw sa nangagkasala.
Ang panggahasa na sakop ng bitay,
kung saan ang una’t huling isinalang
sa ‘lethal injection’ ay si Echegaray,
sa susunod dapat ‘pugot-ulo’ naman.
At hangga’t maari ‘in public’ ang sukat
gawing pagbitay sa kagaya ng ‘maniac,’
mandarambong, pushers, pulitikong ‘corrupt’
at mga dayuhang dito may ‘shabu lab,’
Nang sa gayon itong paglala ng droga
at iba pang krimeng lubhang malala na
kung di man tuluyang sa bansa mabura,
maglubay ang mga walang kaluluwa.
At itong sobra ang pagiging gahaman
sa salapi, gaya ng gabundok na r’yan
ang pag-aari ay nagagawa pa n’yan
ang di magbayad ng tamang ‘tax,’ mabitay!
Kailan matitigil ang ngayo’y paglala
ng lahat ng krimen dito sa ‘ting bansa
kung ganyang halos ay oras-oras yata
masasamang loob itong naglipana?
Na sa kaunting barya ay isinusugal
ang buhay para ang bisyo matustusan
sa pagbebenta ng ipinagbabawal
na droga at ibang bagay na ilegal.
At kapag natiklo r’yan ng otoridad
sa ‘entrapment,’ at/o ikinasang ‘buy bust’
lumalaban gamit ang bawal na armas
kaya napapatay sila ng di oras.
Aywan naman natin d’yan sa CHR
at iba pang grupong anti Duterte r’yan,
kay Pangulo agad isinsisi n’yan
pati ang di ‘related’ sa kanyang ‘drug war’?
Gaya halimbawa nitong itinomba
ng ‘riding-in-tandem’ yan ba ay utos niya?
May NBI, pulis at ibang ahensya,
na dapat tumingin sa ibang problema.
Di lahat na lang ay kay Pangulong Digong
nakasalalay ang marapat na aksyon
at kinakailangang mabigyang atensyon,
kundi lahat dapat may partisipasyon.
Gaya ng pagbuhay sa parusang bitay
iyan ay wala sa sarili niyang kamay
ang legal na aksyon na kinakailangan
kundi nasa Congress at Senate, kabayan.
Kahit pa ma’t siya ang nakatataas
na lider ng bansa di magawa agad
ang anumang ninanais ipatupad
hangga’t hindi ganap na naisabatas.
Kaya ang maari na lang nating gawin
ay suportahan ang panawagan mandin
ng nakararami na ibalik natin
ang ‘death penalty’ na ngayo’y nakabimbin!