Home Headlines Panandang pangkasaysayan sa simbahan ng Paombong inilagak

Panandang pangkasaysayan sa simbahan ng Paombong inilagak

318
0
SHARE

PAOMBONG, Bulacan (PIA) — Pormal nang nailagak ang unang panandang pangkasaysayan para sa simbahan ng Santiago Apostol sa bayan ng Paombong, Bulacan.

Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng panandang pangkasaysayan ang naturang simbahan na magisisilbing unang hakbang tungo sa pagiging isang Important Cultural Property.

Ayon kay Provincial History, Arts and Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, sa simbahang ito naganap ang patagong pag-atake ng mga Bulakenyong rebolusyonaryo sa pangunguna ni Heneral Gregorio Del Pilar noong Setyembre 5, 1897.

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, naganap ang pag-atake sa gitna ng isinasagawang misa kung saan nagpanggap na pangkaraniwang mga nagsisimba ang mga Bulakenyong rebolusyonaryo.

May mga datos din na nagsasaad na nagsuot pa ng mga damit na pambabae ang mga rebolusyonaryong Bulakenyo kung saan nakakubli ang kanilang mga armas.

Habang taimtim na nagaganap ang konsekrasyon sa misa, inatake nila ang mga nagsisimbang Spanish detachment hanggang sa mapatay lahat.

Bahagi ang pangyayaring ito ng maraming mga naging pag-aalsa sa buong Pilipinas laban sa mga Kastila mula nang pumutok ang rebolusyon noong 1896.

Pinangunahan nina Bise Gobernador Alexis Castro (pang-apat mula sa kaliwa) at Mayor Maryanne Marcos (pang-apat mula sa kanan) ang paghahawi ng tabing sa inilagak na panandang pangkasaysayan sa Simbahan ng Santiago Apostol sa bayan ng Paombong. Simbulo ito ng pormal na pagkumpirma na sa lugar na ito naganap ang pag-atake ng mga Bulakenyong rebolusyonaryo sa mga Kastilang nagsisimba na bahagi ng sumiklab na rebolusyon noong 1896. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ang panandang ito ay bahagi ng proyektong SHINE Bulacan o Sustainable Heritage Imbibing Nationalism through Ecotourism na isang EduTourism program ng Commission on Higher Education.

Pinondohan ito mula sa bahagi ng 40 porsyento na Travel Tax na nakokolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Taong 1580 nang maitatag ng mga paring Agustino bilang isa sa mga visita ng Malolos.

Naging hiwalay na parokya noong 1686 sa patronato ng apostol na si Santiago.

Makailang beses nabago ang istraktura sa parehong lugar noong mga taong 1732, 1831 at 1861.

Naging kongkreto noong 1963 at muling isinailalim sa rekonstruksiyon noong 2003.

Matatagpuan ang Simbahan ng Santiago Apostol sa Poblacion ng Paombong na nakaharap sa munisipyo ng nasabing bayan.

Kabilang ito sa mga Poblacion na ipinagawa ng mga Kastila kung saan magkaharap, magkatabi o magkatapat ang isang munisipyo at ang simbahan.

Sumisimbulo ito sa noo’y pagsasama ng simbahan at ng estado sa pamamahala.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Mayor Maryanne Marcos na isang karangalan para sa bayang ito na kilalanin na isang makasaysayang pangyayari ang nakumpirma.

Magbubunsod din aniya ito ng lalong pagbibigay ng mataas na pagpapahalaga upang lubos na mapangalagaan ang naturang simbahan.

Samantala, tiniyak ni Bishop Dennis Villarojo ng Diyosesis ng Malolos na anumang uri ng konserbasyon na gagawin sa Simbahan ni Santiago ay magiging naaayon sa itinatadhana ng Republic Act 10066 o National Cultural Heritage Act ng 2009 at sa Republic Act 10086 o Philippine History Act ng 2010.

Magiging gabay aniya ito upang mapanatili ang kasagraduhan ng makasaysayang pook. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here