Panahon ng pagtatanim, dadagdagan ng NIA-UPRIIS

    348
    0
    SHARE

    CABANATUAN CITY – Sa halip na masayang, nais ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS), na pakinabangan ang tubig na patatapunin nito sa Pantabangan Dam ngayong 2012, alinsunod sa flood control program ng gobyerno.

    Ayon kay Engr. Josephine Salazar, operations manager ng NIA-UPRIIS, humigit-kumulang sa 300,000 metriko toneladang palay ang pwedeng matustusan ng tubig na patatapunin.

    Aniya, nagpulong nitong Lunes ang lahat ng sektor na sangkot sa agrikultura, kabilang ang mga local na pamahalaan, Kagawaran ng Agrikultura, bangko at pasiguruhan (insurance), at mga magsasaka, upang talakayin ang planong third cropping o early wet season sa ikalawang bahagi ng 2012.

    Kasama rin sa programa ang dalawang beses na ratooning, o ang sistema ng pagpapabunga sa pinag-gapasang puno ng palay.

    Ito, ani Salazar, ay karagdagan sa regular na tanimang pang-araw o dayatan na kinapapalooban ng 111, 689.24 ektarya na nangangailangan ng 1,439.30 million cubic meters (mcm)  ng tubig at  wet cropping na 106,591.63 ektarya at tubig na  664.16 mcm.

    May 25,000 ektarya naman mula sa ilang piling lugar sa Nueva Ecija at Bulacan ang itinakda para sa ratooning.

    Ang Pantabangan Dam na pangunahing nagsu-supply ng tubig-irigasyon sa lugar na sineserbisyuhan ng NIA-UPRIIS sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan at Tarlac ay kakayanang mag-imbak ng tubig na 3,000 mcm sa 230 meters water elevation nito.

    Tinataya ng mga opisyal na maaabot ito lalo na sa pagdating ng La Niña phenomenon ngayong taon.

    Pero sinabi ni Dr. Freddie Toquero, dam and reservoir managed ng Pantabangan Dam, kailangang pababain sa 216 meters ang tubig nito sa ikatlong linggo ng Agosto, alinsunod sa ipinatutupad na bagong Dam Protocol.

    “Mapaparusahan tayo pag hindi ito nasunod,” aniya.

    Dahil dito ay kailangan aniyang pakinabangan ang pawawalang tubig sa pamamagitan ng third cropping o early wet season sa may 45,590 ektaryang nasasakupan ng NIA-UPRIIS, ani Toquero.

    Sa lawak na ito ay bababa sa 210.88 meters ng tubig sa dam pero sapat pa rin aniya ito sa susunod na taniman.

    Kabilang sina DA Central Luzon Dir. Andrew Villacorta National Rice Program Dir. Dante De  sa mga nakilahok sa coordination meeting at kapwa sila nagpahayag ng pag-asa sa positibong epekto ng naturang plano.

    Ayon kay De Lima, nangangahulugan ito ng karagdagang mahigit sa 300,000 metriko toneladang palay na produksiyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here