Kung naaalala mo pa ang kanta ni Lolita Carbon ng Asin noong dekada ’80 ukol sa dumudumi at napapabayaan na kalikasan, marahil ay maiisip mo na hindi na ito angkop sa kasalukuyan. Mas lalong marumi, mas lalong napabayaan, mas lumubha ang estado ng ating kalikasan.
Ang mga ilog ay nagmukhang estero na kulay itim, malansa na at mausok ang simoy ng hangin, ang mga kagubatan ay nakalbo, maging ang mga luntiang puno sa ating mga syudad ay walang humpay na pinatay upang magbigay raw ng puwang sa kaunlaran.
Sa kahabaan ng MacArthur Highway mula San Fernando hanggang sa Angeles City, makikita natin na walang awang itinumba at pinatay ang mga puno. Kailangan daw ito para sa pagpapalawak ng kalsada. Maging sa Tarlac papuntang Pangasinan, hindi rin nahabag sa walang pakundangang paglagare ng mga puno na sinasabing istorbo raw sa gagawing pagpapalapad ng kalsada. Araw-araw, ilang puno ang bumabagsak ng walang laban. Marahil, kung nagsasalita lamang ang mga ito, baka natunaw na tayo sa kanilang mga sigaw at pagmamakaawa.
Kahapon, sumikip ang dibdib ko nang makita ko ang isang puno na tumumba kasama ang isang malaking pugad na puno ng itlog ng isang ibon. Hindi pa man napipisa ang mga itlog na ito ay pinagkaitan na sila ng bahay na masisilungan. Alam ko na sa kasalukuyan ay parang baliw na si Sisa na rin ang inang ibon sa kahahanap ng kanyang mga anak. Kay lupit ng kapalaran!
Napakalaki ng naiaambag ng puo sa ikot ng kalikasan. Maliban sa lilim at ganda nito, ito rin ay nagbibigay ng kailangang oxygen para tayo makahinga, nagbibigay ng buhay at tahanan sa mga hayop na sumisilong dito, kumukupkop ng sapat na lupa upang maiwasan ang mga baha at erosion.
Paano ba maiiwasan ang pagputol ng puno kung ang DPWH at ang DENR mismo ang siyang nagsasagawa nito? Ayon kay Atienza, hindi na raw nagbibigay ng permit ang DENR para sa pagputol ng puno. Kailangan daw na ito ay isalba kung sakali mang kailangang alisin sa kanyang kinalalagyan. Ayon naman sa DPWH, binigyan daw sila ng permit ng DENR. Hindi bulag ang ating mga mata. Mga sinungaling! Malamang, kung may chain saw ako, ay baka naputol ko na ang kanilang mga dila.
Oo, hindi nagsasalita ang punongkahoy… pero naniniwala ako na sila ay nakakaramdam din ng galit at poot. Damdamin na kanilang inilalabas sa pamamagitan ng iba’t ibang trahedya ng kalikasan. Landslides, baha, global warming, el nino at la nina – ilan lamang sila na mga sandata ng kalikasan – upang ipamalas sa atin na ang bawat kalupitan natin ay may katumbas na kaparusahan. Hay, naninikip na naman ang dibdib ko.