Home Opinion Panaghoy ng daigdig, panaghoy ng dukha

Panaghoy ng daigdig, panaghoy ng dukha

164
0
SHARE

NOONG TAON 2015, naglabas ang yumaong Santo Papa, Pope Francis, ng isang social encyclical tungkol sa ecology na pinamagatang Laudato Si’, (Care for our Common Home). Si St. Francis of Assisi ang naging inspirasyon ni Pope Francis, ang patron saint of ecology na nagsulat ng ang isang panalangin sa diyalekyong Italiano at pinamagatang Laudato Si’ na ibig sabihin: Purihin ka.

Sa okasyon ng ating paggunita sa 10th anniversary ng Laudato si, minabuti ng bagong Santo Papa, Pope Leo na maglabas ng isang bagong pormularyo para sa Mass for the Care of Creation (Misa sa Pangangalaga sa Sangnilikha), na niresolbang ipagdiwang ng CBCP tuwing unang Linggo ng Setyembre.

Isa sa mga pinaka-maugong na talata sa Laudato Si’ ay ang paragraph 49. Doon, sinabi ni Papa Francisco:

“Marami sa mga nasa kapangyarihan at may pera ang madalas—walang ibang iniisip kundi ang pansariling interes. Bibihira kang makarinig sa kanila ng pag-aalala sa epekto ng kanilang mga desisyon sa mga mahihirap sa mundo. Dapat nating maunawaan na hindi hiwalay ang krisis sa kalikasan at krisis sa lipunan—iisa lang itong malaking krisis na sabay na panlipunan at pangkalikasan. Kaya ang mga solusyon ay dapat pagsamahin: paglaban sa kahirapan, pagtatanggol sa dangal ng mga nasasantabi, at pangangalaga sa kalikasan. Atin sanang pakinggan ang panaghoy ng kalikasan at ang daing ng mga mahihirap.”

 

CBCP Pastoral Letter and Access to Justice

Eksakto pong sa araw ding ito ng Feast of Creation in Christ, inilalabas natin ang Pastoral Letter ng CBCP tungkol sa mga anomalyang may kinalaman sa DPWH flood control projects na halos naging kalakaran na sa ating lipunan at hindi na ikinahihiya: “Pag-ahon sa Baha ng Katiwalian.” Kasabay nito, sa araw ding ito, minabuti natin dito sa Diocese of Kalookan na ilunsad ang ating Access to Justice Ministry. Kaya inimbita ko sa Misang ito ang mga volunteer lawyers at paralegals. ito’y upang matiyak na kahit ang pinakamahirap ay magkaroon ng pantay na pagkakataon na marinig at maipagtanggol kapag inaresto o isinakdal. Nasabi minsan ng yumaong Presidente Magsaysay, “Those who have less in life should have more in law.”

Ang mukha ng ating pastoral letter tungkol sa flood control corruption ay isang kabataang sakristan mula sa ating Longos Mission, si Gelo de la Rosa. Naging viral sa social media ang kuwento niya. Panganay siya sa anim na magkakapatid, 3rd  year college na sana siya sa Malabon City College. Sa kasamaang palad, sa murang edad na 20, binawian siya ng buhay dahil sa leptospirosis, dahil inaraw-araw ang paglusong sa maruming baha noong kasagsagan ng habagat para hanapin ang nawawala niyang tatay na inaresto pala ng pulis at kinasuhan ng illegal gambling—cara y cruz.

Totoong ang tunay na dahilan ng pagbaha sa mga coastal cities ay ang mas malaking problema ng unti-unting pagkatunaw ng mga yelo sa Antarctica dulot ng global warming at climate change. Pero dito sa atin ang maruming tubig-baha na pumatay kay Gelo ay hindi lang dulot ng “ecological disaster.” Pinalala ito ng isang palpak at corrupt na multi-billion flood control project. Ang mga kalye natin ay naging parang bitag ng kamatayan. Idagdag pa ang mga iresponsableng mga reclamation projects na lalong nagpasikip sa daluyan ng tubig papalabas sa Manila Bay, at ang pag-convert sa mga palaisdaan sa Navotas bilang mga tambakan ng basura ng buong Metro Manila. Lahat ng mga proyektong ito ay nakakalusot sa mga ahensya ng gubyerno—madaling makakuha ng environmental clearance sa DENR at permit sa LGU, kahit walang tunay na konsultasyon sa mamamayan.

Kaya’t sa araw na ito, mahalagang paalala ang kwento ni Gelo: ang korapsyon at pananamantala sa kalikasan ay nakamamatay. Greed destroys both the poor and our planet.

Humalaw tayo ngayon ng kaunting liwanag mula sa ating mga Pagbasa: mula sa Wisdom 13, first chapter of the letter of Paul to the Colossians, at bahagi ng Sermon on the mount sa Matthew 6.

Sa ating first readings mula sa Book of Wisdom chapter 13, pinaaalalahanan tayo: sa Maylikha tayo dapat sumamba hindi sa mga bagay na nilikha. Sa Maylikha tayo mananagot bilang mga katiwala ng sangnilikha. Ang araw, hangin, bituin, tubig—lahat ng bagay sa daigdig ay tanda lang ng mas dakila: ang Diyos na Maylikha. Di ba sinasabi iyon ng kinakanta nating Tanging Yaman? “Ang nilikha mong kariktan, sulyap ng iyong kagandahan.”

Sa 2nd reading naman, ito ang pahayag ni San Pablo sa mga taga-Colosas tungkol kay Kristo:

“For in him were created all things in heaven and on earth… all things were created through him and for him… In him all things hold together.”

Ibig sabihin, si Kristo mismo ang pinaka-puso ng lahat ng nilikha. Kapag sinisira natin ang kalikasan, parang sinusugatan din natin ang katawan ni Kristo. Pero kapag pinapangalagaan natin ang sangnilikha, nakikiisa tayo sa kanyang misyon na “to reconcile all things… making peace by the blood of his cross.”

At sa Gospel reading, may babala si Hesus sa mga taong nagugumon sa salapi at nahihibang sa kasakiman:

“No one can serve two masters… You cannot serve God and mammon.”

Mammon—iyan ang Diyos ng kasakiman, ang kulto ng pera at ganid na kita. Katulad ng nagsimulang mangyari mula nang gawin legal ng PAGCOR ang online gambling. Milyon-milyon ang mga kabataan at mga mahihirap na dahil sa pakikipagsapalaran ay nagugumon sa sugal at lalong nababaon sa kahirapan. Pati gubyerno nagugumon sa bilyon-bilyon na kinikitang pondo pampubliko na pwedeng ipamudmod bilang ayuda para mapanatili sa survival mode ang mga dukha at mapanatili rin sa pwesto ang mga patron.

Di ka kabalintunaan na kinakasuhan ng violation ng PD1602 illegal gambling tulad ng cara y cruz ang mga dukha, gayong hinayaan ng gubyerno na makapasok sa bawat cellphone ang mga casino at pwedeng magsugal —bata o matanda, 24/7? Masyado na yata tayong nasanay sa korapsyon, hindi na tayo nasusuklam sa kapag kahit flood control projects ay ginagawang gatasan na lang ng mga tambalan ng kontratista at pulitiko, habang mga dukha ay nalulunod sa baha ng katiwalian.

Fear, Anxiety, and Trust in God

Ang ugat ng kasalanan ay kasakiman pa rin. At ipinapakita ni Jesus na ang puno’t dulo nito ay takot at kawalan ng tiwala—yung sobrang pagkabalisa natin tungkol sa pera, pagkain, inumin, damit, katayuan, at kinabukasan.

Parang nakikita ko si Jesus na naglalakad kasama ang mga alagad niya at nagsasabi: “Do not be anxious saying what shall I wear? Look at the lilies of the fields as they grow. Not even Solomon in all his glory was ever clothed like any of them. If God so clothes the earth, how much more you of little faith?”

At dagdag pa niya: “Do not be anxious saying what shall I eat; look up above at the birds of the air. They do not sow, nor till, nor gather into barns. Yet, the Father feeds them, are you not worth more than they?”

Dalawang beses niyang inuulit: “Do not be anxious.” Para bang sinasabi Niya na kapag masyado tayong nakakapit sa materyal na bagay, hindi natin makikita ang tunay na yaman na iniaalok Niya. Hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan, at hindi rin natin malalaman kung kailan sapat na ang meron na tayo.

At sa huli, pinaaalala ni Jesus: kung uunahin lang natin ang paghahanap sa Kaharian ng Diyos, mismong kalikasan ang magiging guro natin kung paano mamuhay nang simple, mapagkumbaba, at mapagpasalamat—nasa tamang ugnayan sa Diyos, sa kapwa, at sa buong sangnilikha.

Conversion and Integral Ecology

Mga kapatid, ang Laudato Si’ sa ika-10 anibersaryo nito ay nananawagan sa atin ng conversion. Conversion mula sa pagiging alipin ng kasakiman tungo sa pamumuhay nang simple, mapagkumbaba, at mapagpasalamat. Conversion upang makita si Kristo sa kalikasan at sa mga mahihirap. Conversion na magsasabing: hindi mammon ang aming paglilingkuran kundi ang Diyos.

Ito ang tinatawag nating integral ecology—ang sabay na pag-aalaga sa tao at sa kalikasan, dahil iisa lang ang krisis na ating kinakaharap. At iisa rin ang solusyon: magtulungan, magpakatotoo, at manalig sa Diyos na lumikha ng lahat.

Panawagan

Kaya mga kapatid, ngayong Feast of Creation:

  • Pakinggan natin ang iyak ng kalikasan at ang daing ng mahihirap.
  • Tumanggi sa kasakiman at katiwalian.
  • Mamuhay nang may tiwala at kagalakan.
  • At isama si Kristo sa lahat ng ating gawain—sapagkat Siya ang ulo ng Simbahan, at Siya rin ang puso ng buong nilikha.

Ang maikling buhay ni Gelo ay naging talinghaga para sa atin. Huwag sayangin ang kanyang alaala. Bagkus, gawin itong inspirasyon na lumaban para sa katarungan, para sa kalikasan, at para kay Kristo na bumubuo sa lahat ng bagay.

Amen.

(Homiliya sa Feast for the feast of Creation in Christ, Season of Creation 2025 (Sept 1–Oct 4), Wisdom 13:1-9, Col 1:15-20, at Matthew 6:24–34)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here