Home Headlines Panaghoy at pag-asa

Panaghoy at pag-asa

556
0
SHARE

ANG ADBIYENTO ay hindi pa Pasko. Ito ang panahon ng penitensya at pag-aayuno. Kung ang Kuwaresma ay paghahanda sa Pagsasaya ng Pagkabuhay, ang Adbiyento ay Paghahanda naman para sa Pagsasaya ng Kapaskuhan.

Ang ating unang pagbasa ngayon galing kay propeta Isaias ay isang makabagbag-damdaming Panaghoy (lament sa Ingles). Puwede mong ilagay sa bibig ng mga Israeli sa kasalukuyang panahon at magiging aktwal ang dating nito. At pero pwede mo ring ilagay sa bibig ng mga Palestinians at mas lalong matindi ang dating nito. Sinong mamamayan ng Israel ang hindi tumangis at nanaghoy sa sinapit ng mahigit isanlibong mga kaanak at kababayan nila na walang awang pinaslang ng mga sundalong Hamas at hinostage pa ang mahigit sa 200? At sinong Palestinong mamamayan na taga-Gaza ang hindi tumatangis at nananaghoy sa patuloy na sinasapit ng daan-daan-libong mga kababayan nila na matagal nang nagdurusa at ngayo’y humaharap na naman sa giyerang paghihiganti ng gubyernong Likud ng Israel laban sa gubyernong Hamas ng Palestine, na kapwa ibinoto ng kani-kanilang mga mamamayan para mamuno sa kanila?

Sabi ng panaghoy ng propeta, “Bakit mo hinahayaan Panginoon, na kami’y mapariwara nang ganito at malihis sa landas mo? Bakit mo hinayahaan na manigas ang aming mga puso at tuluyang mawalan ng takot sa iyo? Pagmasdan mo po kami Panginoon, parang awa na po ninyo, kahit masama ang loob mo sa amin, kahit bunga ng aming sariling pagkakasala ang nangyayari sa amin. Kami’y mga bayang nadungisan, anumang kabutihang mayroon kami ay naputikan. Kami’y mistulang mga dahon na nalanta, tinatangay ng hagibis ng aming mga pagkakasala. Wala nang tumatawag sa Ngalan mo, wala nang gumigising para kumapit sa iyo. Hindi na namin makita ang Mukha mo, bakit hinayaan mo kaming mapalayo sa iyo?”

Salamat na lang at hindi dito natatapos ang panaghoy na ito. Sa bandang dulo may kaunting pag-asang sumisikat na parang liwanag ng bukang-liwayway. Sabi ng propeta, “Ngunit ikaw, Panginoon ay ang Aming Ama; kami ay putik na luwad sa kamay mo. Ikaw ang magpapalayok na sa amin ay humuhubog.”

Mula pa noong unang panahon, hindi na natigil ang paulit-ulit na pag-ikot ng gulong ng sibilisasyon ng tao: ang mga inapi ay gumaganti sa mga sa kanila’y nang-api, mata sa mata, ngipin sa ngipin, dugo sa dugo, buhay sa buhay. Ang binusabos ay natututong mambusabos, ang pinagmalupitan ay natututong magmalupit, paulit-ulit na gantihan. Pabalik-balik na tikisan at ubusan ng lahi. Ang sinapit sa nakaraan gustong ipalasap sa mga anak ng kalaban. Walang katapusan, walang kinabukasan.

Ganito ba talaga tayo? Hindi. Mayroon nang dumating noon pa, para hamunin ang ganitong kabaliwan ng taong nawalan na nagwawala. Ang dalawang libong taon ay parang kahapon lang, nang nagdalang-liwanag ang isang “Palestinong Hudyo” na lumaki sa Nazareth.

Sabi nga ni Isaias tungkol sa kanya (42:2-4): “Hindi siya sisigaw o hihiyaw sa mga lansangan. Hindi niya babaliin ang tambong basag, hindi niya papatayin ang kandilang aandap-andap…Hindi niya pababayaan ang mga nanghihina o nawawalan ng pag-asa hanggaʼt hindi niya lubusang napapairal ang katarungan sa buong mundo. Pati ang mga tao sa malalayong lugar ay maghihintay sa kanyang mga turo.”

Siya ang nangarap upang tayo’y mahimasmasan sa ating kahibangan, upang ang mga binabangungot ay magising at matutong tumingin sa bawat kapwa bilang kapwa-biktima, kahati sa paghihirap, karamay sa pagdurusa. Hindi niya sinuklian ng sampal ang sampal, ng insulto ang insulto. Hindi gawaing makatao kahit kailan ang suklian ng karahasan ang karahasan, ang balikan ng kalupitan ang kalupitan. Ang nawawalan na nagwawala ay niyakap niya upang mapahinto ang paikot-ikot na gulong ng galit at hinanakit. Ito ang niloob niyang mapako sa krus at kailangan nating pagmasdan para manumbalik sa atin ang dangal, ang hugis at wangis ng Mahal-Banal, upang ang pagkatao natin ay muling magningning kuminang.

Ito ang pag-asa na sinisimbolo ng mga kandilang sinisindihan natin sa panahon ng Adbiyento. Na pwede nating piliin na magsindi ng kaunting liwanag sa gitna ng kadiliman. Ang apoy na ating tinanggap ay kailangang bantayan at ingatan. Ito ang narinig nating panalangin kanina sa ALELUYA: “Hayaan mo po Panginoon na ang pag-ibig mo ay masulyap namin, upang ang kaligtasan nami’y dumating at ang paghahari mo, sa wakas, ay sumaaming piling. AMEN.”

(Homiliya para sa Unang Linggo ng Adbiyento, 3 Disyembre 2023, Mk 13:33-37)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here