LUNGSOD NG SAN FERNANDO —-Nagsimula na ang quarterfinals ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) para sa 2023 playoffs na ginanap sa Bren Guiao Convention Center nitong Biyernes ng gabi.
Sa pagbubukas ng quarterfinals division ay unang naglaban ang Caloocan Batang Kankaloo kontra Pasig City MCW Sports na sinundan ng Marikina Shoe Makers kontra Pampanga Giant Lanterns.
Nanalo ang Caloocan kontra Pasig sa score na 71-69 habang nanalo naman ang Pampanga kontra Marikina sa puntos na 82-70.
Lumaro naman ang dating PBA MVP na si Arwind Santos sa koponan ng Pampanga para sa kanyang playoffs debut sa Game 1 ng best-of-three series kontra Marikina Shoemakers.
Ayon kay Pampanga Gov. Dennis “Delta” Pineda, bagama’t nanalo ay aminado sila na sa una nilang sabak sa best-of-three ng quarterfinals ay nag-aadjust pa sa laro ang buong team at si Santos.
Gayunpaman, umaasa sila na matapos ang ilan pang practice at sabak sa laro ay magagamay na ng koponan ang team work kasama si Santos.
Samantala, 16 na koponan mula North and South ang maglalaban-laban ng best-of-three sa kabuuan ng quarterfinals para sa matitira na tig-apat na koponan mula North at South team na siyang aakyat naman sa semi-finals.
Ang basketball teams sa North and South ay pawang mga homegrown at local athletes na susungkit sa kampeonato ng MPBL ngayong taon.
Bago ito ay nagsimula noong March 11 hanggang September 30 ang elimination round ng 29 teams na kabuuang lumahok sa paliga.