Home Headlines Pamimigay ng modules sa mga paaralan nagsimula na

Pamimigay ng modules sa mga paaralan nagsimula na

1304
0
SHARE

Samal South Elementary School


SAMAL, Bataan Nagsimula na ngayong Biyernes ang pamimigay ng modules sa mga paaralan sa Bataan nang walang sagabal tulad na lamang sa Samal South Elementary School sa Barangay Santa Lucia sa bayan na ito.

Mahigpit na ipinatupad ang mga safety protocol. Pumila ang mga magulang na sinusunod ang social distancing, kinunan ng temperature, nilagyan ng alcohol sa mga kamay at nagregister para sa contact tracing.

Binigyan din ng libreng bottled water at alcohol ang mga magulang.

Alice De Guzman, principal ng Samal South Elementary School

Sinabi ni Alice De Guzman, principal ng Samal South Elementary School, na naniniwala siyang walang shortage sa modules sa Bataan dahil kung may problema man ay nagtutulong-tulong ang mga guro tulad ng ginawa nila.

Noon umanong magkaroon ng shortage sa printing at mga ink na kailangan para sa karagdagang modules na galing sa schools division office, nagtulong-tulong sila para mapunan ang mga kakulangan.

Ayon sa principal, wala siyang nakikitang malaking problema kahit sa pagsisimula na ng klase sa ika-5 ng Oktubre. Ang ikinatatakot, aniya, ng mga magulang na dahil hindi sila well-off na pamilya ay hindi nila kaya ang internet, wi-fi, at gadgets.

Hindi na umano ito problema dahil ang napili ay modular learning system na printed copies ang gagamitin.

Mamomroblema na lang siguro ang mga magulang na hindi alam sagutin yung mga modules na ipinamigay sa mga bata subalit ang mga guro ay handang tumulong para magbigay ng assistance doon sa mga bata na tinatawag naming naleleft-behind o nasa last-mind strategy namin,” sabi ni De Guzman.

“Naniniwala po ako na lahat tayo ay dumadanas ng tinatawag na challenges ngayon sa panahon ng new normal subalit makakaya natin ito sa ating pagtutulungan. Huwag kayong mag-alala, ang Samal South Elementary School o lahat ng nasa departamento ng edukasyon ay handang tumulong para magkaroon tayo o mapatupad natin ang handang isip, handang bukas ngayong panahon ng new normal, dagdag pa ng principal.

Proud, aniya, silang maging guro at handang ibigay ang lahat ng makakaya para makamit ang quality education na hinahangad ng mga magulang ng mga mag-aaral.

Samantala, sinabi naman ni Josephine Garay na handa na ang kanyang tatlong anak sa pasukan at kumpleto na ang mga ito sa gamit.

Sa tanong kung hindi ba sila mahihirapan sa bagong sistema, sagot ni Garay: Siguro makakaya naman kahit na tatlo sila. Mag-focus na lang para maging maayos naman ang pag-aaral nila. Nandiyan naman kaming mag-asawa para magtulungan para sa kanilang tatlo.

Gagabayan na lang namin sila para maayos yung binibigay na modules sa kanila para matutukan namin. Yon ang gagawin namin, tutulungan ang mga anak namin para matutunan din nila kung ano ang pag-aaralan para maiwasan ang mga hindi karapat-dapat.  Matutunan nila ang dapat matutunan sa iskwelahan kaysa sa labas, dagdag ni Garay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here