LUNGSOD NG MALOLOS— Suriin, kumpunihin at suhayan ang mga pamanang pangkasaysayan sa bansa.
Ito ang buod ng magkahiwalay panawagan ng sektor ng turismo sa Bulacan at mga mamamahayag na lumahok sa katatapos na ika-17 Graciano Lopez Jaena Ciommunity Journalism Fellowship on Disaster Reporting sa University of the Philippines (UP).
Ang panawagan ay magkasabay na inihayag ilang araw matapos yanigin ng lindol ang lalawigan ng Bohol kung saan ay nasira ang mga heritage sites. Ayon kay Dr. Reynaldo Naguit, isa sa mga convenors ng Bulacan Tourism Tri-convention na isinagawa sa lungsod na ito noong Biyernes, dapat isama sa pambansa at local na plano sa turismo ang konserbasyon ng mga heritage sites o pamanang pangkasaysayan sa bansa na dinarayo ng mga turista.
Bilang isang historyador at direktor ng Institute of Local Government Administration (ILGA) sa Bulacan State University, sinabi ni Naguit na ang mga heritage sites ay nangangailangan ng akmang pagmamantine.
“Hindi lang buhay at mga ari-arian ang napinsala sa lindol sa Bohol, kungdi maging mga istraktura na mahigit 100 taon na,” sabi ni Naguit at iginiit na ang mga matatandaang simbahan ay magandang reperensiya sa pag-aaral ng sining, kalinangan at kasaysayan ng lahi.
Kinatigan din ito ni Jose Clemente ng Bulacan Tourism Conventions and Visitors Board (BTCVB) na nagsabing ang mga matatandang simbahan sa Gitnang Luzon partikular na sa Bulacan ay posible rin mapinsala sa lindol.
Bilang isa sa mga convenor sa katatapos na tourism convention, inihalimbawa ni Clemente ang makasaysayang simbahan ng Barasoain na karaniwang dinarayo ng mga magaaral na lumalahok sa mga field trip. Ayon kay Clemente ang nasabing simbahan ay huling i sinailalim sa pagpapakumpuni noong 1997 bilang paghahanda sa sentenaryo ng Republika ng Pilipinas noong 1998.
Para naman sa mga mamamahayag na lumahok sa Lopez Jaena Community Journalism Fellowship, dapat manguna ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyunal sa preserbasyon ng mga heritage sites.
Binigyang diin nila na hindi lamang lindol ang dapat paghandaan, kungdi maging ang epekto ng climate change na unti-unting sumisira sa mga matatandang istraktura. Kabilang sa mga ahensiyang tinawagan nila ng pansin ay ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Tourism (DOT), Climate Change Commission (CCC), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Science and Technology (DOST).
Ayon sa pinagtibay na resolusyon, “the country’s history and culture are seen not only in written records but also in historically valuable structures as well. These are the socalled heritage sites, many of which have not been properly documented.”
Iginiit pa ng resolusyon na “Heritage sites serve as a repository of our history, and such structures remind us and the future generations of who we are as Filipinos; however, many heritage sites are vanishing fast not only due to the impacts of climate change and natural disasters but also due to utter neglect of people.”
Hiniling ng mga mamamahayag ang “immediate inventory of our cultural heritage sites; inspection, assessment and documentation of heritage sites; preparation of short and long term programs for the preservation of our heritage sites; implement remediation measures, such as retrofitting, that will help strengthen and improve resilience of heritage sites that are exposed to the impacts of climate change and other hazards; regular maintenance of heritage sites; and publications of gathered inventory to inform the Filipino people the historical and cultural significance of heritage sites.”