Gov. Albert Garcia , DSWD Region 3 director Maritel Maristela (kaliwa) at Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia (kanan) sa pulong ukol sa SAP. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Ipinahayag ni Gov. Albert Garcia ngayong Biyernes na nakipagpulong siya sa pamunuan ng Department of Social Welfare and Development ng Region 3 tungkol sa inihahanda nang ipamamahaging second tranche ng Social Amelioration Program.
Ang pulong, aniya, ay ginanap Huwebes sa The Bunker, bagong opisina ng provincial government sa Bataan Capitol, na dinaluhan ni DSWD-3 regional director Maritel Maristela.
Humarap din sa pagpupulong ang mga kasapi ng League of Mayors of Bataan sa pangunguna ni Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia.
Kasama rin sa usapan ang mga municipal social welfare development officers ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Limay, Mariveles, Bagac, at Morong at city social welfare development officer ng Balanga City.
Sinabi ng governor na tinalakay ang naging proseso sa pamamahagi ng first tranche ng SAP at pinagtuunan ng pansin kung ano man ang pagkukulang o pagkakamali upang hindi na maulit sa second tranche.
Ang benipisyaryo ng SAP sa Bataan ay tumatanggap ng P6,500 bawat isa.
“Nakipag-ugnayan ang inyong lingkod kasama ang mga pinuno ng bawat bayan at lungsod sa DSWD patungkol sa mas maayos na pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP. Lubos po ang aking pasasalamat sa lahat ng mga ahensya na patuloy na naglalaan ng kanilang tulong sa ating mga kapus-palad na kababayan na lubhang naapektuhan ng pandemyang coronavirus disease,” sabi ni Garcia.
At muling nanawagan ang gobernador sa kanyang mga kababayan: “Ituloy lamang natin ang ating pakikiisa, pagtalima sa mga health and safety protocols at pagmamalasakit sa ating kapwa na nagpapakita ng ating pagiging mga responsableng Bataeno.”