Pamamaalam ng Bulakenyo kay Cory

    320
    0
    SHARE
    Hindi pinalampas ng mga Bulakenyo ang paghahatid kay dating Pangulong Corazon Aquino sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Paranaque noong Miyerkoles, Agosto 5.

    Ngunit hindi ito nangangahulugan na sinagupa nila ang walang humpay na ulan na hatid ng bagyo ng araw na iyon. Sa halip ay sinubaybayan nila ang libing ng dating Pangulo sa telebisyon.

    Halos alas-4 pa lang ng madaling araw noong araw ng Miyerkoles ay nanunood na ng telebisyon ang pamilya ni Lina Bautista, 70 ng bayan ng Hagonoy, bilang pakikidalamhati sa pagpanaw ng dating pangulong na kilala sa tawag na “Tita Cory.”

    Hindi sila dating nanunood ng telebisyon ng ganoon kaaga dahil nagtitipid sila sa kuryente, ngunit sa araw na iyon pansamantala nilang tinalikuran ang pagtitipid.

    “Sa ganitong paraan lang namin maipapahayag ang aming pakikiramay kay Cory,” ani Bautista na kasamang nanunod ng telebisyon ang kanyang mga anak at apo hanggang hapon.

    Ganito rin ang tanawin sa iba pang tahanan sa bayang ito at ibang panig ng Bulacan. Dahil sa walang pasok sa mga paaralan at opisina ng araw na iyon bukod pa sa malakas ang ulan na hatid ng bagyong Jolina.

    Karaniwan ay nakapako ang mga mata ng mga kasapi ng pamilya sa telebisyon sa araw na iyon habang sinusubaybayan ang mga kaganapan mula sa sa Manila Cathedral na pansamantalang pinagburulan ng labi ni Cory, hanggang sa Manila Memorial Park sa Lungsod ng Paranaque kung saan siya inilibing sa tabi ng puntod ng kanyang asawang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.

    Ayon kay Elena del Rosario, ang punong guro ng Lord’s Shepherds Academy sa bayan ng Guiguinto, “para ka na ring nakipaglibing kung nanuod ka ng TV.”

    May mga Bulakenyo ring nagnais na makapunta sa Manila Cathedral upang dumalo sa libing ng dating pangulo na itinuturing na simbulo ng demokrasya sa bansa, at isang natatanging Bulakenya dahil ang kanyang pamilya ay nagmula sa lungsod ng Malolos.

    “I tried na makapunta sa Manila Cathedral pero hindi na ko nakarating dahil wala akong passes,” ani Pamela Santos ng lungsod na ito na nagsabi sa Mabuhay na tinawagan pa niya ilang kaibigan upang makakuha ng tiket para sa makapasok burol ni Cory sa Manila Cathedral.

    Sinabi pa ni Santos na naghinayang siya dahil iyon na ang huling pagkakataon niya na makapagpugay kay Cory.

    “Sa TV ko na rin lang sinundan yung development sa Manila Cathedral,” aniya na nagsabing alas-4 pa lamang ng madaling araw noong Miyerkoles ay nanonood na rin siya.

    Nais din sanang makipaglibing ng pamilya ni Guillermo Faundo ng Obando kay Cory, ngunit hindi na sila nakapunta dahil sa lakas ng ulan at lalim ng baha sa kanilang lugar.

    “Umaga pa lang umuulan na kaya dito na lang kami sa bahay,” ani Faundo na isang guro sa nasabing bayan.

    Sinabi niya na nanonood na rin lang sila ng telebisyon at ikinagulat niya ang dami ng tao na nakiramay sa pamilya Aquino.

    “Mukhang nagbalik na uli yung magic ni Cory sa tao,” ani Faundo.

    Inayunan naman ito ni Dr. Danilo Hilario ng Bulacan State University (BulSU) na nagsabing, “iba ang outpouring ng sympathy ng mga tao kay Cory.

    Ayon kay Hilario, kasama niya ang ilang kaibigan na nanuod ng libing ni Cory sa telebisyon.

    “Nakipaglibing kami kay Cory sa TV, at siyempre may konting reminiscing of the past,” ani Hilario at binanggit ang damdamng kanilang nadama noong 1986 matapos ang Edsa Peoples Power Revolution na naging daan upang maupong pangulo ng republika si Cory.

    Sinabi niya na halos wala silang pagsidlan ng tuwa matapos ang Edsa revolution noong 1986 dahil nagbalik ang demokrasya sa bansa.

    Para naman kay Bise Gob. Willy Alvarado, ang itinalagang alkalde ng Hagonoy matapos ang Edsa revolution, iba ang karanasan nila sa pulitika noon kumpara ngayon.

    “Punong puno tayo ng pag-asa noon, at saka walang perang pinag-uusapan noon, dahil iba ang magic ni Cory,” ani Alvarado.

    Sinabi niya na matapos ang Edsa Revolution, tiyak ang panalo ng mga pulitikong inendorso ni Cory.

    “Basta itinaas ni Cory ang kamay mo noon, tiyak na ang panalo mo,” ani Alvarado na naglingkod bilang alkalde ng bayang ito mula 1986 hanggang 1998.

    Sinabi pa ni Alvarado na utang ng bansa kay Cory ang pagbabalik ng demokrasya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here