LUNGSOD NG PALAYAN (PIA — Nakatanggap ng bagong mobile clinic van ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija mula sa idinaos na Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa Lahat (Lab for All) caravan.
Ito ay ipinagkaloob ng First Gen Hydro Corp. bilang pagsuporta sa Lab for All program na inisyatibo ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta-Marcos na kamakailan ay naghatid ng serbisyo sa humigit 1,500 residente ng Nueva Ecija.
Ipinahayag mismo ni First Gen Hydro Corp. Chairperson at Chief Executive Officer Federico Lopez na sa munting paraan ay nais makatulong ng kumpanya sa hangarin ng Unang Ginang na mailapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino.
Ang naturang kagamitan ay mayroong magkakahiwalay na kwarto para sa eksaminasyon, laboratoryo at x-ray procedure.
Mayroon din itong kasamang medical bed, infrared thermometer, patient monitor, gayundin ay maaaring magsagawa ng iba pang medical test tulad ng electrocardiogram, ultrasound, cholesterol monitoring, glucose testing at blood hematology.
Maliban sa donasyon na bagong mobile clinic van ay kasama rin ng kumpanya ang mga doktor at espesyalista ng Asian Eye Institute at Ophthalmological Foundation of the Philippines na nagbigay ng libreng konsultasyon sa mata, libreng salamin at mga gamot sa mga Nobo Esihano.
Ang aktibidad ay personal na pinangasiwaan ng Unang Ginang na nagpahayag ng kaniyang layuning mailapit ang mga serbisyong medikal at ang mga programa ng pamahalaan sa mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Ito aniya ay bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nabanggit sa State of the Nation Address na muling pagsusulong ng sektor ng kalusugan sa bansa.
Dumalo rin mismo sa aktibidad si Philippine Health Insurance Corporation President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. na ikinampanya ang Konsultasyong Sulit Tama o Konsulta package na kung saan ang lahat ng mga serbisyo ay libre mula sa konsultasyon, mayroong 13 laboratory o diagnostic examination at 21 iba’t ibang uri na gamot, na maaaring makuha depende sa pangangailangan sa gamutan.
Kaniyang ibinalita na sa kasalukuyan ay mayroong ng 2,351 Accredited Konsulta Package Providers sa buong bansa.
Kaugnay nito ay kaniyang hinihikayat ang mga mamamayan na magparehistro sa PhilHealth upang mapasama sa mga benepisyaryo na libreng makatatanggap ng mga nabanggit na serbisyong medikal.
Itinampok naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang demonstrasyon ng iba’t ibang kasanayan na libreng ipinagkakaloob sa mga iskolar, gayundin, ang pagpapakita ng mga ipinagmamalaki at gawang produkto sa lalawigan.
Pahayag ni Secretary Suharto Mangudadatu, patuloy na maaasahan ang paglingap ng TESDA sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga scholarship program para sa paghahatid ng libreng pag-aaral at mga kasanayan.
Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Samuel Zacate na mandato ng ahensiya na masigurong ligtas at epektibo ang mga nabibiling pagkain, gamot, at iba’t ibang produkto sa merkado.
May direktiba rin aniya ang Pangulo na tumulong ang FDA sa mga pangangailangang ng mga micro, small, and medium enterprises sa pagsusulong ng mga negosyo.
Nagpahayag din ng buong pagsuporta ang kinatawan ng Jaime V. Ongpin Foundation & Lucio Tan Group na si Professor Lester Toribio na personal na dumalo at nagpaabot ng tulong sa idinaos na Lab for All caravan sa Nueva Ecija.
Sa mensahe ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Emmanuel Antonio Umali ay lubos ang kanilang pasasalamat sa natanggap na pribilehiyong pagkakataon at tulong para sa mga nasasakupang mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)