Home Opinion Pamahalaang Digong, usad pagong kung umaksyon

Pamahalaang Digong, usad pagong kung umaksyon

729
0
SHARE

KUNG antimano ay gumawa kaagad
ang ating Pangulo nitong mga tiyak
at ng malinaw na panuntunang dapat
sundin upang ito ‘Covid’ di kumalat;

Dahilan na rin sa umpisa pa lamang
batid na ngang China itong pinagmulan
ng ‘virus’ na ito ngunit kampante lang
ang Palasyo at ang mga Kalihim n’yan

Partikular itong si Francisco Duque
(ng DOH,) na siyang unang responsible
sa mga ganitong klaseng pangyayari,
‘as brilliant Department of Health Secretary’.

Sapagkat di na nga lingid sa mga ‘yan
na Chinese itong sa atin nagdala n’yan,
insigida dapat, ang pamahalaang
Duterte di naging tayngang kawali lang

Nang di na umabot nga riyan sa puntong
libu-libo na ang nahawaan nitong
nasabing ‘virus,’ na magpa-hanggang ngayon,
ang bilang ng namamatay ay patuloy!

Ano sa akala ng nasa gobyerno,
lalo ni Duque nang unang bugso nito,
ya’y kahalintulad lamang ng trangkaso,
kung kaya’t kampante lang ang mga ito?

Kung sa bagay ano pa bang magagawa
ng mga damuho kundi ang gumawa
ng alternatibong pagkilos ika nga,
na kagaya r’yan ng mungkahi ng madla:

Una, seryosohin ang mga hakbangin,
na naaayon sa mga batas natin
at di sa salitang may kahalong hangin,
upang ang sinuman sila ay galangin.

At di gaya nitong ngayon ay sinabi,
bukas ay iba na’t limot na rin pati
itong sa harap r’iyan ng nakararami
na winika ni Sir, na siya’y magbibigti

Nang dahil sa hindi yata n’yan natupad
ang ipinangako, na hindi n’yan dapat
‘in public’ sabihin ang ganyang pahayag
na kahit pabiro puedeng ikapintas!

Kung nasanay tayo sa anumang klaseng
pananalita na ‘joke’ lang para sa’tin,
di sa lahat na ng okasyon maaring
ibulalas basta ang gustong sabihin.

Di lahat ng tao maaring masakyan
ang sa ganang atin ay pagbibiro lang,
kaya dapat lang na maging mapili r’yan
ng dapat sabihin nang harap-harapan.

Bilang honorable ay maging maingat
tayo sa anumang gustong ipahayag,
upang sa ano pa mang ikapahamak
ng ating sarili tayo’y laging ligtas.

At di gaya nitong kayo ang bagsakan
ng sisi nitong mas malaking ang bilang
na kabayan nating d’yan sumusubaybay
sa aktibidad ng nasa Malakanyang.

Na kaya nangyaring itong Covid-19
ay nanalasa nang husto dito sa’tin,
ya’y sa kapalpakan ng nakararaming
opisyal na usad pagod sa tungkulin!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here