Palparan ibabaon sa kaso

    328
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS CITY – Inaasahang lalong mababaon sa mga kaso si retiradong heneral Jovito Palparan dahil sa mga dagdag pang kasong planong isampa laban sa kanya.

    Kaugnay nito, kasalukuyang pinag-aaralan ng mga militanteng grupo at mga abogado ang dagdag na kaso matapos ang Jail Palparan Summit noong Lunes.

    Ayon kay Abogado Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), nagkaisa ang mga nabiktima ni Palparan mula sa Gitnang Luzon na ipunin ang mga kasong isasampa laban dito.

    Bukod sa Gitnang Luzon ay inaasahan na magsasampa din daw ng kaso ang iba pang mga nabiktima ni Palparan sa gawing Visayas at Mindanao.

    Binigyan diin niya na panahon na upang pagbayarin si Palparan sa mga kinasangkutan nitong paglabag sa karapatang pantao.

    Batay sa tala ng Karapatan-Gitnang Luzon, umabot sa 91 ang naging biktima ng extrajudicial killings sa rehiyon, bukod sa 48 kaso ng enforced disappearance  sa panahon ng panunungkulan ni Palparan bilang commanding general ng 7th Infantry Division mula Setyembre 2005 hanggang Setyembre 2006.

    Gayunpaman, nilinaw ni Olalia na hindi lahat ng nasabing insidente ay maisasampa sa korte bilang kaso.

    Iginiit niya na susuriin nila ang mga kaso batay sa tatlong pamantayan.

    Una ay pagsang-ayon ng survivor o kapamilya ng biktima; ikalawa, pagkakaroon ng matibay na ebidensiya; at ikatlo, kung may saksi.

    Inihalimbawa ni Olalia ang binuhay na kaso ng kidnapping na isinampa ni Raymond Manalo laban kay Palparan.

    Ang nasabing kaso ay matagal na nabinbin sa Ombudsman, ngunit ngayon ay muling diringgin kung saan ay nakahandang humarap sa korte si Manalo.

    Sinabi niya na dinukot siya noong 2006 sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan ngunit nakatakas mula sa Pangasinan noong 2007 kasama ang kanyang kapatid na si Reynaldo. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here