LUNGSOD NG MALOLOS —- Ibinasura ng Bulacan RTC Branch 19 ang dalawa pang kaso ng kidnapping and serious illegal detention with physical injuries na inihain laban kay AFP retired Maj. Gen. Jovito Palparan at iba pang mga kapwa akusado.
Si Palparan at T.Msgt. Rizal Hilario at pito pang miyembro ng CAFGU ay not guilty sa kasong isinampa ng magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo na umano’y dinukot noong Feb. 14, 2006 sa Barangay Buhol na Mangga, San ildefonso, Bulacan.
Sina Manalo ay sinasabing nakatakas sa kamay ng militar noong Aug. 14, 2006 nang sila ay dalhin sa isang farm sa Pangasinan.
Dismayado si Raymond Manalo dahil hindi niya umano nakuha ang hustisya at umaasa na lang sa magiging susunod na hakbang ng kanyang mga abugado at hindi pa naman daw tapos ang laban.
Ayon naman kay National Union of Peoples Lawyers’ (NUPL) private prosecutor Atty. Julian Oliva Jr., nagtataka sila dahil batay sa desisyon ng hukuman na hindi malinaw na na-identify ng mga nagrereklamo sina Palparan at iba pang akusado.
Hindi din daw maliwanag na natukoy nina Manalo ang lugar kung saan sila dinala at naging inconsistent din ang mga testimonya nina Manalo gayong natukoy naman ng prosekusyon ang lahat ng mga ito
Ani Oliva, nagtataka sila kung bakit ganito ang hatol ng korte gayong si Manalo ang tumayong testigo sa kaso ng pagdukot sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Shierlyn Cadapan kung saan guilty ang hatol ng korte laban kay Palparan.
Ani Oliva, pag-aaralan muna ng kanilang grupo ang susunod na hakbang matapos ang promulgasyon at isa na dito ang pagsusumite ng motion for reconsideration.
Hindi naman na dumating si Palparan sa Bulacan RTC para sa promulgasyon bagamat gwardyado pa rin ng mga militar at pulis ang paligid ng korte dahil sa mga militanteng nagsagawa ng kilos protesta.
Sa pamamagitan na lang daw ng video conference dumalo si Palparan maging ang legal counsel nito.
Samantala, nagsagawa ng protesta ang militanteng grupong Karapatan at Desaparecidos sa labas ng Bulacan RTC na dismayado din sa naging hatol ng korte.