LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Patuloy na bibigyang prayoridad ni Palayan City Mayor-Elect Viandrei Nicole Cuevas ang kapakanan ng mga healthcare workers.
Ayon kay Cuevas, isa sa mahalagang programa na isinusulong ng pamahalaang panlungsod na sinimulan ng kanyang ina na si outgoing Mayor Adrianne Mae ang pagsuporta sa mga healthcare workers partikular ngayong panahon ng pandemya.
Sa pamamagitan nito aniya ay nagagampanang mabuti ng bawat healthcare worker ang pag-aalaga at pagtulong sa mga nangangailangang mamamayan sa Palayan.
Kanyang sinisiguro na patuloy na mararamdaman ng mga nabanggit na kawani sa siyudad ang pag-agapay ng pamahalaang lokal kagaya sa mga pangangailangan sa trabaho tulad ng pagkakaroon ng kumpleto at sapat na suplay ng Personal Protective Equipment.
Pahayag ni Cuevas, bahagi din ng matagumpay na kampanya ng pamahalaang lokal laban sa COVID-19 ang regular na monitoring at reporting ng mga nagkakasakit sa bawat barangay sa pamamagitan ng maayos at matatag na ugnayan.
Ngayong pumapasok na sa eskwelahan ang mga estudyante at mga guro ay mahalagang maipaalala lagi ang wastong pagsusuot ng face mask, social distancing at importansiya ng pagtanggap ng COVID-19 vaccine at booster upang magkaroon ng proteksiyon sa sakit.
Ayon pa kay Cuevas, maraming ipinatutupad na programang pangkalusugan ang pamahalaang lokal na nais ipagpatuloy sa pagsisimula ng termino bilang aklalde ng siyudad kabilang na ang libreng dialysis, pagtulong sa pagpapa-ospital, pamamahagi ng health card para sa mga higit na nangagailangang pamilyang Palayano nang may magamit pangtustos sa regular na gamutan gayundin ang distribusyon ng assistive devices sa mga Persons with Disability at mga senior citizen.
Inaabangan na ding matapos ang konstruksiyon ng kauna-unahang ospital sa siyudad na inaasahang matatapos sa darating na Oktubre,
Ito ay ipinapatayo ng pamahalaang panlungsod na layuning maghatid ng dekalidad at abot kayang serbisyong medikal para sa lahat ng mga Palayano. (PIA 3)