Home Headlines Palay madalang, presyo ng bigas tumaas

Palay madalang, presyo ng bigas tumaas

462
0
SHARE
Ang miller na si Mariz San Pedro habang nag-iimbentaryo ng imbak na bigas. Kuha ni Rommel Ramos

BALAGTAS, Bulacan — Mataas na ang bentahan ng bigas sa Intercity na pumapalo na ngayon sa P1,760 hanggang P1,960 kada kaban.

Ito ay dahil sa madalang at mataas na presyo naman ng palay na ibinabagsak sa Intercity.

Ayon sa miller na si Mariz San Pedro, mataas na ang bentahan ngayon ng bigas dahil mataas na rin ang kanilang puhunan sa palay na ibinabagsak naman sa kanila ng P23.50 hanggang P23.70 kada kilo.

Madalang kasi, aniya, ang dating ng palay at depende pa ito kung doble-doble pa ang nag-aahente dahilan para mas matataas pa ang presyo ng ibabagsak na palay sa kanila. Dagdag pa daw sa presyo ng palay ang mataas na transportation cost na ipinapatong din sa presyo ng nito.

Magmula ng buwan ng Disyembre pa nagsimula ang mataas na bagsakan ng palay hanggang sa kasalukuyan, ayon pa sa miller.

Dahil dito ay halos malugi na daw ang mga miller na kumikita na lang ng nasa P10 hanggang P20 kada sako ng bigas.

Bukod sa mataas na presyo ng palay ay tumaas na rin aniya ang production cost sa paggiling nito at kung mas tataasan pa nila ang presyo ng bigas ay baka daw lalo na itong hindi mabili.

Kaya’t panawagan ni San Pedro sa gobyerno na para mapababa ang presyo ng bigas ay i-subsidize na nito ang transportasyon ng palay sa mga miller nang sa gayon ay maiwasan ang patong-patong na mga ahente.

Ang mga ahente na lang aniya ang kumikita ngayon at marami na sa mga millers ang nalulugi at nagsasara dahil sa kalakaran ng double agent.

Kung sasagutin na aniya ng gobyerno ang transportation cost mula sa farm gate ay rekta na itong maibabagsak sa mga millers at kayang pababain ang halaga ng bigas ng hanggang 40%.

Sa ganito aniyang kalakaran ay makikilala pa ng mga millers ang mga magsasaka at direkta na ang kanilang mga magiging bentahan ng palay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here