Home Headlines Palamuting pamasko sa Dinalupihan inilawan na

Palamuting pamasko sa Dinalupihan inilawan na

651
0
SHARE

Malaking belen, isa sa mga atraksiyon sa plaza ng Dinalupihan, Bataan. Kuha ni Ernie Esconde 



DINALUPIHAN, Bataan
Pinailaw na ang nakabibighani at magaan sa matang  palamuting pamasko sa  bayang ito.

Sinabi ni Mayor Maria Angela Garcia na sa gitna ng umiiral na pandemya, nais niyang mamalaging nasa puso ng bawat isa ang diwa ng Pasko.

Ipinaalaala ng butihing mayor na sana’y huwag kalimutan ng lahat na bumibisita sa mga Christmas decoration ang ibayong pag-iingat at sundin ang mga safety at health protocol upang makaiwas sa coronavirus disease.

Litaw na litaw sa liwanag ng mga nakakaakit na Christmas lights at palamuti ang plaza na tampok ang malaking belen na sinakop ang buong stage. Maraming iba pang disenyo gamit ang mga LED lights.

Tila buhay ang mga tupa at iba pang hayop sa ibaba ng belen habang halos life-size ang mga Haring Mago, Mahal na Birhen at San Jose na nagbabantay sa batang Hesus.

Ang pavilion ay hitik sa mga pamaskong palamuti na sa gitna ay may katamtamang laki ng Christmas tree.

Sa gitna ng plaza, nababalot ng mga  Christmas lights ang mga salitang “Love, Joy, Hope, Peace”  na karaniwang panawagan sa bawat Pasko.

May mga ilaw na hugis reindeer at Christmas tree samantalang ang fountain ay nababalot din sa Christmas lights.

Sa itaas ng gitna ng kalsada, sa pagitan ng plaza at simbahan, tila balag ng mga Christmas lights ang umaakit sa bawat nagdaraan.

Panay ang litratuhan ng mga bumibisita sa plaza na katamtaman lang ang bilang at hindi nagsisiksikan dahil may mga pulis na nakabantay at nagpapaalaala ng social distancing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here