Home Opinion Pakiramdaman

Pakiramdaman

1447
0
SHARE

ALAM NA marahil ninyo na inilunsad natin sa Diocese of Kalookan noong nakaraang Linggo, kasabay ng lahat ng mga diyosesis sa buong mundo, ang “Synod on Synodality.” Ang Tagalog translation natin ng Synodality ay PAGIGING KAMANLALAKBAY.

Ito po ay isang malawakang konsultasyon sa Simbahang Katolika bilang bahagi ng 2-taon na preparasyon sa magaganap na Sinodo ng mga Obispo sa October 2023. Tatlong prinsipyo ang itinataguyod ng Sinodong ito sa simbahan: COMMUNION, PARTICIPATION at MISSION. Sa Tagalog, PAKIKIBUKLOD, PAKIKIBAHAGI at PAGMIMISYON.

Nauna nang naglunsad si Pope Francis noong October 10. At sa homily niya sa Rome, nagbahagi siya ng isang reflection tungkol sa tatlong importanteng sangkap ng COMMUNION: encounter (pagtatagpo), listening (pakikinig), and discernment (pangingilatis).

Ang ating ebanghelyo sa araw na ito ay magandang follow-up sa kanyang paginilay. Ito’y isa ring ENGKWENTRO o pagtatagpo na nangyari dahil sa PAKIKINIG at nauwi sa pagsunod dahil sa PANGINGILATIS. Ito ang kuwento ni San Markos tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa pulubing bulag na ang pangalan ay BARTIMEO. Ang ibig kong tutukan sa aking reflection sa umagang ito ay tungkol sa halaga ng PAKIKIRAMDAM bilang napakahalagang aspeto ng SYNODALITY o pakikilakbay kay Kristo. Husay sa PAKIKIRAMDAM ang translation ko ng ATTENTIVENESS.

Sa Tagalog ang “LISTENING” ay PAKIKINIG. Minsan, may nagtanong sa akin, “Ano ang Kapampangan ng TO LISTEN?” Sabi ko MAKIRAMDAM. Namangha siya, “Di ba iyon ang Tagalog ng FEELING?” Sabi ko, oo sa Kapampangan din. Siguro, ibig sabihin, para sa amin, hindi sapat ang makinig sa pamamagitan ng tainga. Kailangang MAKIRAMDAM, para marinig pati iyong hindi sinasabi na ibig ipahayag ng tao. Kaya nga mayroon tayong salitang PAKIRAMDAMAN.

Nangyari ang engkwentro sa pagitan ni Bartimeo at ng Panginoong Hesukristo dahil pareho silang mahusay sa PAKIRAMDAMAN. Kaya nauwi ang engkwentro nila sa pagiging MAGKALAKBAY. Sa panahon natin ngayon, dahil sa pagmamadaling makarating sa ating kani-kaniyang destinasyon o layunin sa buhay, marami tayong mga kalakbay na nasasantabi, naiiwan, o bumabagsak sa kalsada ng buhay, dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan: karukhaan, kapansanan, kawalan ng edukasyon, pagkakasakit na pisikal o mental, pagkaka-biktima atbp. Nasasanay na tayo sa kanila hanggang sa puntong halos hindi na natin sila napapansin. Para bang nagiging invisible na sila sa lipunan—hindi naririnig, hindi nakikita.

Noong kabataan ko pa, tandang tanda ko ang ginawa ng isang First Lady nang idaos sa Pilipinas ang isang importanteng international summit ng mga world leaders. Para hindi mapansin ng mga delegates ang libo-libong mga iskuwater sa Metro Manila, tinayuan niya ng mataas na pader na pininturahan ng puti ang buong kahabaan ng tabing kalsada para takpan ang mga barong-barong nila. Hindi yata niya alam na sa eroplano pa lang, bago maglanding ay tanaw na tanaw na ang matinding karukhaan ng nakararami sa Maynila.

Tulad ng nasabi ko na, parehong mahusay sa PAKIRAMDAMAN ang pulubing si Bartimeo at si Hesus. Tingnan natin ang bawat isa. Una, si Bartimeo.

Dati rati, ang tawag sa mga taong may kapansanan ay HANDICAPPED O DISABLED. Ngayon, ang tawag sa kanila sa English ay PWD—persons with disability. Nauuna ang PERSONS, mga tao sila. Mayroon man silang kapansanan pero meron din naman silang ibang mga ABILIDAD. (Joke: Paano sasabihin ng bulag sa tindero sa sari-sari store na bibili siya ng shampoo?) Hindi tama na i-reduce ang pagkatao nila sa kapansanan nila: bulag, pipi, bingi, etc. Hindi ba totoo na pag may kapansanan ang tao, mas lalong tumitindi ang iba niyang mga pandama?

Sa kuwento ng ebanghelyo, nag-ingay daw si Bartimeo nang malaman niyang dumadaan si Hesus. Paano niya nalaman? Kahit di niya nakikita, naririnig niya. Pilit daw siyang pinatatahimik, pero mas lalo siyang nag-ingay, para makatawag pansin, at nagtagumpay siya. Alam niyang tulungan ang sarili niya. Maabilidad din siya. At nang tawagin siya, mabilis siyang nakalapit kay Hesus nang walang tumutulong sa kanya. Paano? Bukod sa pakikinig, siguradong ginamit din niya ang pang-amoy at pangangapa. May nakita akong video, niligtas ng bulag ang isang babaeng muntik nang masagasaan. Nagja-jogging na may earphones kaya di pinapansin ang daan. Ginamit ng bulag ang tungkod niya para harangin siya bago tamaan ng sasakyan. May tenga siya pero hindi ginagamit. Iyung iba naman may mata, pero bibig ang naghahanap.

Ang malakas magpatingkad ng ibang pandama ay ang marubdob na paghahangad o pagiging buo ang loob. Sa Ingles, “strong-willed.” May isang estudyanteng bulag na naging valedictorian sa Ateneo, nagtapos ng BS Physics. Biro mo! Walang makapipigil sa mga taong buo ang loob at marubdob sa paghahangad na matupad ang pangarap. Kaya siguro tinanong muna ni Hesus sa pulubi, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinusubukan siya. Malay mo baka nagpapalimos nga lang naman siya. (Gusto kong makakita! Minsan may mga dukha maririnig mo sila, “Gusto kong makapag-aral, maging titser, maging duktor, maging pari….” Sa loob nagsisimula ang mga mangyayari sa labas natin.)

Bukod sa ibig mangyari, mahalaga ring alam natin para saan o bakit iyon ang ibig nating mangyari. Tandaan noong nakaraang Linggo—ang hiling nina Santiago at Juan ay kapangyarihan. Alam ang gusto pero hindi alam para saan. Kaya tinuruan muna silang maghangad nang tama. Itong bulag na pulubi, hinangad niyang makakita muli. At ano ang ginawa niya nang nabuksan ang mga mata niya? Naging alagad siya ni Hesus.

Ngayon, pansinin naman natin ang PAKIKIRAMDAM ni Hesus. Ito ang malaking pagkakaiba niya sa mga guro sa kapanahunan niya. Babad siya sa kalagayan ng mga tao sa paligid niya. Hindi siya isang malayong tagapanood lang. Mahusay sa pakiramdaman. Kaya alam niya ang pinagdaraanan ng mga taong nagdurusa.

Ganoon din ang takbo ng atin ibang mga pagbasa. Sa aklat ng propeta Jeremias, sinasabi ng propeta na alam ng Diyos ang sitwasyon ng bayang Israel. Di ba ganyan din ang nangyari nang magpakilala ang Diyos kay Moises? Sinabi daw ng Diyos, “Nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan. Naririnig ko ang kanilang mga hinaing. Alam ko ang kanilang mga pinagdaraanan. Kaya bumaba ako para iligtas sila.” Tama ang sabi ng Salmo, “THE LORD HEARS THE CRY OF THE POOR.” Rinig ng Diyos ang panaghoy ng mga dukha.

Ganoon din si Hesus. Kaya narinig niya ang pulubi kahit pinatatahimik siya ng mga alagad. Napapansin niya ang hindi napapansin ng iba: ang babaeng naaagasan ng dugo, si Zaqueo na umakyat sa punong sikomoro, ang balo na naghulog ng barya sa templo. Mga taong hindi pinapansin sa lipunan. Bakit napapansin niya? DAHIL MAHUSAY SA PAKIRAMDAMAN. Bakit mahusay makiramdam? Dahil marubdob din ang hangarin, buo ang loob na magligtas, makilakbay, maglingkod, magbigay buhay. May ibang salita para dito: MALASAKIT. Ang taong may malasakit, malakas sa PAKIRAMDAMAN.

Mga kapatid hindi totoo na mas mabilis tayong aabot sa ating dapat patunguhan kung mag-uunahan tayo. Ang kaharian ng Diyos ay mas mabilis nating mararating kung matutuhan natin ang sama-samang pakikilakbay. Hindi ito mangyayari kung hindi natin matutuhan ang mabuting pakikiramdam sa isa’t isa, sa bawat kalakbay dito sa mundong ibabaw.

(Homily for 30th Sunday in Ordinary Time, World Mission Sunday, Mark 10:46-52)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here