KAMI PO sa Advocate for Genuine Services (AGOS) ay pormal na naghain ng Petisyon at Liham-Protesta laban sa Ordinansa Blg. 740, S-2025, na nagpapangalan sa isang pampublikong pasilidad sa Barangay Pampang, Lungsod ng Angeles bilang Jose Lapid Sports Complex.
Nililinaw po namin sa publiko ang sumusunod:
Una, wala pong dokumentado o makasaysayang tala na nagpapakita na si Jose Songco Lapid ay:
-nanirahan sa Lungsod ng Angeles;
-nagkaroon ng direktang proyekto o programa sa lungsod; o
-nag-ambag sa pag-unlad ng Barangay Pampang o ng Angeles City sa anumang paraan.
Ikalawa, ang Ordinansa ay gumagawa ng malalawak at pangkalahatang pahayag ukol sa umano’y “remarkable contribution” ni Jose Songco Lapid nang hindi tinutukoy ang mga tiyak na gawa, petsa, proyekto, o kongkretong resulta na maiuugnay sa kanya sa loob ng hurisdiksiyon ng Lungsod ng Angeles.
Ang ganitong uri ng pahayag ay hindi sapat upang magsilbing batayan ng isang opisyal na parangal ng lungsod.
Ikatlo, binabanggit sa Ordinansa ang Seksyon IV (1) ng Revised Guidelines ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) hinggil sa pagpapangalan ng mga pampublikong lugar. Gayunman, malinaw sa nasabing alituntunin na ang taong pararangalan ay dapat may malinaw, tiyak, at mapatutunayang ambag sa kapakanan ng sambayanang Pilipino, na may kaugnayan at kabuluhan sa lokalidad na nagpapangalan ng pasilidad.
Sa kasong ito, walang naitatag na tuwirang ugnayan o lokal na koneksiyon sa pagitan ni Jose Songco Lapid at ng Lungsod ng Angeles.
Ikaapat, malinaw sa aming pagsusuri na ang mga papuri sa Ordinansa ay mas tumutukoy sa mga nagawa ng ibang kasapi ng pamilya, partikular ng isang kasalukuyang halal na opisyal, kaysa sa personal at direktang ambag ni Jose Songco Lapid, na siyang ipinangalan sa pasilidad.
Ikalima, ang nasabing Sports Complex ay itinayo gamit ang buwis ng mamamayan.
Ito ay pampublikong ari-arian, at hindi pribadong donasyon ng sinumang indibidwal o pamilya. Ang karangalan at identidad nito ay dapat kumatawan sa kolektibong ambag ng taumbayan, hindi sa isang apelyido o IMPLUWENSIYANG PAMPULITIKA.
Ikaanim, ang Lungsod ng Angeles ay mayaman sa sariling mga bayani, lider, atleta, at lingkod-bayan na may malinaw, dokumentado, at direktang ambag sa lungsod. Ang pagpapangalan ng mga pampublikong pasilidad ay dapat nakaugat sa lokal na kasaysayan at kolektibong alaala, hindi sa PAMPULiTIKANG IMPLUWENSIYA.
Ikapito, batay sa mga rekord na umiiral, walang tala na ang Ordinansa Blg. 740, S-2025 ay dumaan sa pampublikong pagdinig o committee hearing.
Ito ay seryosong usaping legal, sapagkat taliwas ito sa diwa ng participatory governance at due process na itinatadhana ng Local Government Code of 1991 (RA 7160) at ng mga pamantayan ng mabuting pamamahala.
Ang kawalan ng public at committee hearings ay:
-lumalabas na minadali.
-nagkait sa mamamayan ng karapatang marinig;
-nagtanggal sa pagkakataong masuri ng mga eksperto ang historikal at legal na batayan ng Ordinansa; at
-naglalagay sa Ordinansa sa panganib ng legal at moral na kwestyon.
PANAWAGAN SA SANGGUNIANG PANLUNGSOD
Kami ay nananawagan sa Sangguniang Panlungsod ng Angeles City na:
-muling isaalang-alang at repasuhin ang Ordinansa Blg. 740, S-2025;
-ipatigil muna ang pagpapatupad nito; at
-isagawa ang pormal na public at committee hearings bilang paggalang sa batas, kasaysayan, at mamamayan.
Ang mga pampublikong pasilidad na itinayo mula sa buwis ng mamamayan ay hindi dapat gawing monumento ng impluwensiya, kundi salamin ng katotohanan, kasaysayan, at dangal ng lungsod.
Ang paninindigang ito ay hindi laban sa anumang pamilya o personalidad, kundi panig sa batas, kasaysayan, at dangal ng Lungsod ng Angeles.
ALEXANDER S. CAUGUIRAN
Kinatawan at Co-Convenor
Advocate for Genuine and Outstanding Services (AGOS)
Cc:
Ombudsman of the Philippines, Jesus Crispin “Boying” Catibayan Remulla
Secretary of the Department of the Interior and Local Government (DILG), Juanito Victor “Jonvic” Catibayan Remulla Jr.



