Kahit sandali lang medyo nagkaroon
ako ng oras na ma-interview nitong
adyes ng Agosto ang butihing mayor
ng Arayat, na tanyag sa pangalang Bon
Na kanyang palayaw o ika nga’y nickname,
partikular na r’yan sa mga Kabalen,
mga kakilala, malalapit na ‘friends’
Media outfit saka political leaders.
Approachable siya, mabait kausap
at kung anong tanong sinasagot agad,
kaya masasabi kong di siya katulad
ng nakararami ng medyo mailap.
At marahil lalo nang makikila
si Mayor Bon ngayong kabilang na siya,
sa ilang Alkalde dito sa Pampanga
na masisipag at aktibo talaga
Sa pag-ganap n’yan ng kanilang tungkulin
na di lamang limang araw kung siputin
ang tanggapan kundi pati Sabado rin,
lalo pa’t may mahalagang dapat gawin
O asikasuhin, gaya nitong ngayon
si Mayor Bon ay may ‘on-going construction’
sa municipal hall at ‘canalization’
sa paligid mismo, saka ‘renovation’.
At ayon sa iba nating nakausap,
ay ‘workaholic’ si Mayor kung kaya nga’t
alas singko pa lang kung di ka maagap,
sa bahay di mo na siya mahapuhap
Kung sasadyain mo pagkat malamang na
nasa munisipyo na o binisita
ang anumang dapat asikasuhin pa
para sa kabalen ng tanggapan niya.
Na lubhang malayo sa pag-uugali
ng ibang opisyal na halos ay hindi
makapa sa opis kahit sasandali
dahilan na rin sa absent yan palagi.
O kung sumipot man ay mas madalang pa
sa ika nga’y kidlat sa tag-araw po ba?
gaya ng iba r’yang masipag lang sila
kung araw ng sueldo (para kunin nila?)
May isa pa sana akong katanungan
kay Mayor kaya lang di ko na nakuhang
itanong pagkat ang aking kasamahan
sa ‘green revolution’ medyo nahiwalay
Ang local meda na aking nakagrupo
kina Mayor Bon at Unang Ginang mismo,
kung kaya’t ang nais sanang itanong ko
ay di ko nabuksan sa harapan nito.
At ito’y hinggil sa logo ng Arayat,
na sa ganang atin itong nakatatak
ay tila di akma sa kung anong dapat
ilagay kumbaga sa isang sagisag
Pagkat imbes bundok ang nakalarawan
sa logo, kasama ang mga palayan,
ay para bang alon sa dagat ang siyang
nakadibuho sa logo na naturan.
‘An unsolicited advice’ lang ang atin
kung ito ay inyo pong mamarapatin,
pero huag naman din sanang masamain
ng iba kung di man nila gugustuhin;
(Sapagkat suhestyon lamang itong akin,
at walang personal naman ding hangarin!)